Thursday, November 28, 2013

Kabilang Mundo (part 9)


by Fiction-Factory


(Kapitulo Biente-Uno)

Napakalakas ni Jacob, lumiyad lang siya ng bahagya at napaalsa na agad ako.
Napabitaw ako sa kanya.
Napaatras ako, natumba at napaupo sa lupa.
Mukhang hindi na siya magpapaawat.
Nagalit na siya ng husto.
Ganito pala siya magalit, nakakatakot, nakakasindak.

Napansin ko ang mga kasama ng lalaki, magsisipagtayuan na sana sila ngunit hindi pa man nila nagagawang tumayo ay inihagis ni jacob ang sinasakal niyang lalaki sa mesa nila.

Tumilapon at parang lumipad ang lalaki sa ibabaw ng mesang pinag-iinuman nila na nasa gitna nila, mesang yari sa kahoy, at sa sobrang lakas ng pagkakahagis niya ay nagsipagtalsikan ang mga baso, bote at lahat ng nakapatong doon, atsaka nawasak ang mesa.
Humandusay ang lalaki at nangingisay sa sakit. Hindi makatayo at namimilipit ang katawan.

Nagulantang naman ang mga kasama niya, akala ko ay susugurin nila at pagtutulong-tulungan nila si jacob, ngunit lahat sila'y nagsitakbuhan maliban sa isang nagtatapang-tapangang tampalasan.
Parang hindi man lang natinag sa pinamalas na paglampaso ni jacob sa kasama niya.

Matangkad siya, mas matangkad kay jacob at bato-bato pa ang matipunong katawan. Wala pa siyang damit at napaka-barumbado niyang tignan.

Lumapit siya kay jacob, ngunit bago pa siya makaporma ay mas nauna ng nakalapit si jacob sa kanya.
Ang bilis! parang hangin si jacob, tapos binigyan niya ng simpleng suntok ang tampalasang lalaki. Isang banayad na suntok sa sikmura.
Pagdampi ng kamao ni jacob sa tiyan ng lalaki ay nanlaki ang mga mata nito, halos lumuwa na ang mga mata niya, napansin ko pang umalsa ang mga paa niya sa lupa at napaatras siya.
Pagkatapos no'n, hinawakan niya ang tiyan niya.
Namimilipit sa sakit at nagsususuka ng dugo habang hindi mawari kung saang direksyon siya tatakbo.

Kanhindig-hindik! Alam kong mahina lang ang pinakawalang suntok ni jacob ngunit napakatindi ng epekto sa lalaki.

Pagtingin ko kay jacob.
Kakaiba na ang aura niya, ang mga mata niya'y naging kulay puti at nawala ang mga eyeballs niya.
Nakakapangilabot ang hitsura niya.
Ganito pala siya magalit!
Kaya pala pinipigilan niya ang sarili niya kanina.
Naku pa'no ko kaya siya pipigilan?
Bakit ko ba siya pinasubo sa away kalye?

Lumapit sa akin ang babaeng ipinagtanggol namin, niyakap niya ako at pareho kaming nakatingin kay jacob.

"Pigilan mo siya! kundi mawawala siya sa kanyang sarili at kahit tayo'y hindi na niya makikilala! Baka may mapatay siya at baka pati tayo ay patayin niya."
sabi niya.

Nagulat ako sakanya, pa'no niya nalaman ang bagay na 'yon? Kilala ba niya si jacob? Ba't gano'n siya magsalita?

Mula sa hindi kalayuan ay may isang lalaking papalapit sa amin, papalapit kay jacob.
Natitiyak kong hindi siya kasama ng mga balasubas na 'yon.
Magpapakamatay ba ang lalaking ito?
Kung ako sakanya ay hindi ko na lalabanan si jacob, dahil sa pambihirang lakas niya ay siguradong mamamatay lang din ako.

Nilingon siya ni jacob, tapos biglang lumabas ang nakakapangilabot niyang higanteng wolf na si saiyha sa harap niya na hindi ko alam kung saan nanaman nagmula.
Teka, mukhang hindi lang si saiyha, kundi tatlong wolf ang lumabas kay jacob.

RROOOAAAARRR

Tumakbo sila ng mabilis.
Sinalubong nila ang lalaking papalapit,
at habang naglalakad ang lalaki ay may iba't-ibang anyo at hugis ang nililikha ng kanyang mga daliri, tapos parang may mga katagang binubulong siya, at nang mapatingin ako sa mga mata niya, biglang may kulay pulang umiikot-ikot sa mga eyeballs niya. Napakabilis at parang aspiral.

Biglang nanikip ang dibdib ko, nahihirapan akong huminga.

"ano kayang nangyayari?"
sa isip ko habang hinahabol-habol ang hininga ko.

Teka! Ba't hindi ako makagalaw?
at bakit lahat sila ay napahinto rin?
Parang mga estatwa at sa isang iglap lang ay natigilan ang lahat.
Maging ang tatlong wolf ay natigilan din.
An all of a sudden pause.

Hindi ako makakilos at wala akong magawa kundi isunod ang mga eyeballs ko sa lalaki.
Siya lang ang natatanging tao ngayon na nakakakilos at nakakalakad sa mga oras na 'to.
Ibig sabihin, siya ang dahilan kung bakit hindi kami makagalaw! Anong klaseng majika kaya ang ginagamit niya?
Lumapit siya kay jacob, tapos narinig ko siyang nagsalita.

"Bakit mo sinasayang ang lakas mo sa mga mortal, Jake? Hanggang ngayon talaga hindi mo parin kayang pigilan ang sarili mo!"
sabi niya kay jacob habang pailing-iling ang ulo.
Mukhang kilala ng lalaking ito si jacob.
Tapos may dinukot siya sa loob ng jacket niya, parang stainless na lalagyan ng alak.
Tama, alak nga na kanyang ininom.

Hindi rin nagtagal ay nakagalaw din ako at nanumbalik sa normal ang paghinga ko, dahil kung nagtagal pa ako sa gano'n ay malamang ikamamatay ko.
Gayundin, nagbalik na sa dati ang lahat, parang bumalik na muli sa pagikot ang oras.

Bigla namang naglaho at nabura muli sa hangin ang mga wolf, habang si jacob ay napaluhod sa lupa.
Parang pagod na pagod at hingal na hingal, at ang mga kuko niya at mga mata ay nagbalik narin sa normal.
Ngunit bigla siyang nawalan ng malay at tuluyang bumagsak at napadukmo ang katawan niya sa lupa.

Sumunod ay lumapit ang misteryosong lalaki sa katabi kong babae.
Matatalim ang mga matang itinuon niya sa babae.
Pinagmasdan ko ang mukha niya, napakaamo at napakabait, tila ba nakita ko na siya kung saan, at parang magaan at panatag ang loob ko sakanya.

"Sino ka nga bang talaga huh?! bakit hindi ka tinablan ng jitsu ko?"
tanong niya sa babae.
Teka! Jitsu? Parang narinig ko na ang salita, pero 'di ko matukoy kung saan, at bakit kaya hindi tinablan ang babaeng ito?

"tignan mo nga naman ang pagkakataon, ito ba'y naka-tadhanang kapalaran?!"
ang malalim na katagang naisagot ng babae ng may matamis na ngiti sa mukha.
Ano kaya ang ibig niyang sabihin?

Panandaliang natahimik ang paligid.
Tumakbo ako papunta kay jacob, gayundin ang babae at iniwan lang ang kausap niyang misteryosong lalaki.

"tara kuya, magpunta tayo sa bahay ko, gamutin natin ang pasa mo sa mukha."
kinakausap niya si jacob kahit alam naman niyang wala siyang malay.

"teka binibini, sa kinikilos mo mukhang kilala mo si jacob, sino ka nga bang talaga?"
hindi ko na matiis kaya nagtanong na ako.

"hmp! Hindi lang si kuya jacob, pati ikaw at si kuya tony."
sagot niya habang ipinapatong ang kamay ni jacob sa balikat niya.

"huh?! tony preacher ba? kilala mo rin siya? Pa'no mo kami nakilala?!"
napahinto siya sa tanong ko at tinignan niya ako sa aking mga mata.

"hindi mo na ba ako natatandaan ate maita? Ako si maya."
nagtatakang tanong niya habang magkatinginan kami.

Panandalian akong nag-isip.
Humugot ng ala-ala sa aking isipan.
Kilala ako ng babaeng ito, samantalang ngayon ko lang siya nakita.

"Maya??x?!"

maya. maya. maya.
Binuhay ko ang ala-ala ko pero hindi ko talaga siya matandaan.

"talagang hindi mo siya maaalala dahil nakilala mo siya sa kabilang mundo"
sabat naman ng lalaking nasa likod namin.

Naalala ko bigla ang sinabi sa'kin ni jacob.
Hindi ko maaalala ang mga nangyari sa akin nung mga oras na patay ako.

"kung gayon, hindi ka rin niya natatandaan kuya tony?"
hinarap ni maya ang lalaki.

"Tony?!"
nanlaki ang mga mata ko at marahang nagpukol ng tingin sa lalaki.

Ang lalaking ito ba ay ang tinutukoy ni jacob na kauna-unahang human vampire?
Ang lalaking napagkamalan ni daddy na bumuhay sa 'kin at ang lalaking nakasama ko sa kabilang mundo?
Kaya pala napakagaan ng loob ko sakanya dahil malaki ang utang na loob ko sakanya.
Pero ang sabi ni daddy at ni jacob ay patay na si tony, pero heto ngayon siya nakatayo sa harapan ko at buhay na buhay.

"teka! teka! Pwede bang sa bahay na tayo mag-usap? Baka hindi na magising si kuya jacob niyan eh!"
si maya.

(Kapitulo Biente-Dos)

".....at 'yon ang totoong nangyari. Patawarin mo 'ko maita, kung ako lang sana ang nagbalik ng buhay mo ay hindi ka na hahantong sa ganito."
Pinaliwanag ni tony sa akin ang lahat ng nangyari sa amin sa kabilang mundo, at maging ang puno't-dulo ng misteryong nangyayari ngayon sa buhay ko.
Nakatayo siya sa tabi ng pinto, habang kami ni maya ay nakaupo sa sofa sa tapat ni jacob na nakahiga naman.

Si maya na nakasama din namin noon ang nagpatunay sa lahat ng kanyang sinabi, dahil kung hindi ay hindi ko talaga siya paniniwalaan dahil umiinom siya ng alak habang kinakausap ako.
May baon siyang lagayan ng alak, isang 250ml stainless steel na sakto lang sa bulsa.
Tinotongga niya 'yon paminsan-minsan.

"pero bakit si maya naaalala niyang lahat?!"
sumunod kong tanong.

"hmm... hindi ko nga rin alam eh! Hindi ko rin alam kung bakit hindi rin tumalab sa kanya ang genjitsu ko. maya, bakit nga ba?"
pagtataka din ni tony.

"dahil nagmula siya sa lipi ng mga matatapang na nilalang, walang bahid ni katiting na takot! Siya ang hinahanap natin"
si jacob ang sumagot na biglang bumangon sa sofa.
Sa wakas ay nagising din siya.

"huh?! Ikaw ang huling witchcrafter?"
Bigla kong hinarap si maya at napahawak sa mga balikat niya.

"naku naku hindi! Ako man nagtataka kung bakit ako muling nabuhay eh! at hindi ko rin alam kung bakit naaalala ko ang mga naganap sa kabilang mundo"
naging siryoso ang hitsura niya.

"pero ayon sa lola ko, nagmula din kami sa lahi ng mga witch! Mukhang siya ang makakasagot sa mga tanong niyo"
sambit niya.

"ah talaga?! Sa pagkakaalam ko, naputol na ang lahi ni King Potter sa panahon ni Hansel at Gretel."
ayon naman kay jacob.

"Tama! Ngunit galing kami sa lahi ng half-human, half-witch. Sa panibagong lahi ni Hansel."
sagot naman ni maya.

"edi isa ka ngang witch?!"
tanong ko.

"hindi nga ako witch! Sa pag-usad ng panahon, hindi na naisalin ang paggamit ng salamangka ng mga witchcrafter para sabayan ang makabagong panahon. Gawa narin ng takot nila na baka maulit nanaman ang ginawa ng taong-bayan sa mga ninuno namin. Walang awa nilang sinunog ang mga bahay at ang lahat ng witch, sinunog nila ng buhay."
paliwanag ni maya.

"pero maya, ayon sa mga ninuno ko, imortal daw ang huling witchcrafter, kung isa kang witch, siguradong kilala mo siya."
wika ni jacob.

"kilala ko siya pero hindi ko pa siya nakita. Siya ang kaisa-isang anak ni Gretel. Ang pangalan niya ay Maria. Si lola, mas higit niya tayong masasagot."

"kung gayon, ano pang hinihintay natin? Puntahan na natin ang lola mo"
Sabat ni tony habang tinotongga nanaman ang hawak niyang alak.

Naagaw niya ang pansin ni jacob.

"oh tony, buhay ka na pala..."
Naitanong niya.

Tatlo na kami ngayong namatay at muling nabuhay.
Napakahiwaga, hindi kapani-paniwala pero heto at nangyayari na nga.

"'wag kang magtaka jacob, alam mo namang immortal tayo."
Sagot ni tony sabay toma nanaman sa hawak niyang alak.

"magdiwang ka na tony, ilang beses ka na ring namatay at nabuhay, mukhang mamalasin ka na sa susunod!"
banta niya kay tony at masama ang tingin nila sa isa't-isa.

"uhm. Magpahinga muna kayo dito. Palipasin na natin ang gabi. Bukas, tatahakin natin ang bayang pinagmulan ko. Sa bundok makiling"
sambit ni maya.

Nagkatinginan kaming dalawa ni jacob nang marinig ang salitang bundok.
Mukhang ito na nga ang hinahanap naming bundok sinai.
Umaayon sa amin ang pagkakataon.

"bundok makiling?!"
pagkumpirma ko.

"oo. ang Bundok Makiling o ang makasaysayang bundok ng sinai"

Tumpak!

(Kapitulo Biente-Tres)

Malamig ang hangin at napakasarap matulog.
Ngunit heto ako, gising na gising at hindi makatulog.
Nakaramdam ako ng pagkagutom, nagtataka ako dahil kakakain lang namin kanina pero gutom nanaman ako.
Pagtingin ko sa wallclock, pumalo ng alas-diyes ng gabi.
Tutal maaga pa, bumangon ako para bumili ng makakain sa labas. Hindi ko na ginising ang katabi kong si maya, at maging si tony at jacob.

Paglabas ko ng apartment, suminghot agad ako ng hangin.
Maaliwalas ang gabi, kay daming tao sa kalsada. Isang tipikal na makabagong siyudad.
Naglakad ako at naghanap kung ano'ng makakain.
Nadaanan ko ang isang kainan ng mami, siomai at dimsum. Tamang-tama, ito ang gustong-gusto kong snacks sa mga ganitong oras.
Umorder ako ng mami at dimsum at pagkatapos umupo sa tabi ng isang babaeng kumakain din.

"miss, makikiupo ha?"
Paumanhin ko.
Tumango lang siya at hindi na kumibo.
Teka! Parang pumait ata ang panlasa ko ah! Wala naman akong lagnat o sakit, malamang mapait lang talaga ang mami na 'to. Dahil sa gutom ko ay tinuloy ko parin ang pagkain. Dire-diretso ang pagsubo ko ng noodles at dimsum, ngunit mga ilang saglit lang ay naramdaman kong biglang sumakit ang tiyan ko, parang bumaliktad ang sikmura ko.

"aaahhhggg"
ang sakit! Napahawak ako sa tiyan ko at nakabig ko pa ang bowl ng mami na tumilapon sa mesa.

"miss, ayos ka lang?!"
bigla namang naalarma ang babaeng katabi ko na hinimas-himas pa ang likod ko.
Pinagtinginan ako ng lahat ng taong nasa paligid.

"ayos lang ako"
Pagkukunwari ko para maiwasan ang ano mang eskandalo o kahihiyan kahit pa sobrang nahihirapan na ako.

Pakiramdam ko ay parang maduduwal ako at sa isang iglap lang ay bigla akong nagsususuka. Inilabas ko ang lahat ng kinain kong mami at dimsum.

Ano bang nangyayari sa'kin? Bakit ganito ang pakiramdam ko?
Parang ayaw tanggapin ng sikmura ko ang kinain ko.

"Honey, pumunta ka muna dito bilis!"
isang tawag sa cellphone ang ginawa ng babaeng katabi ko.

"okay ka lang miss?! Hintayin natin yung boyfriend ko, dadalhin kita sa ospital"
pagmamalasakit niya.

"hindi na miss. Ayos lang ako. salamat nalang..."
pagtanggi ko.
Mukhang bumubuti narin kasi ang pakiramdam ko matapos kong isuka ang lahat ng kinain ko.

"sigurado ka? Naku baka naglilihi ka rin katulad ko?"
sabi pa niya.

"naku miss, hindi naman ako naglilihi. Wala lang ito, napakabuti mo"
pinunasan ko ang bibig ko maging ang mga mata ko.
Napaluha ako dahil sa pagsusuka, ngunit may halong luha nang maalala ko ang nobyo ko.
Paano ako maglilihi kung matagal ko ng hindi nakakapiling ang nobyo kong si Ron.

Kumusta na kaya siya? Alam kaya niya na muli akong nabuhay? Ano kayang ginawa niya nang mga panahong patay ako?
Teka! Naisip ko kaya na puntahan siya nang mga panahong kaluluwa ako? Ang tanga ko, ba't di ko naitanong kay maya ang bagay na 'yon?

"naglilihi ka pala? Sa tingin ko napakabata mo pa para magbuntis"
nakipagkwentuhan muna ako habang hinihintay ang tuluyang paghupa ng nararamdaman kong sakit.

"oo nga eh. Hindi kasi marunong mag-ingat ang boyfriend ko."
sagot niya.

"teka, ano nga palang pangalan mo?"
tanong niya ng may ngiti sa mga labi.

"maita. Eh ikaw?"

"ako nga pala si Lisa."
sagot niya habang inaabot niya ang kanyang kamay.

To be continued...

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.