Thursday, November 28, 2013

Kabilang Mundo (part 14)


by Fiction-Factory


(Kapitulo Trienta y Siete)

"Maita! Maita!"

Naririnig ko ang tinig ni Tony.
Bigla akong napalanghap ng hangin kasabay ng pagmulat ng aking mga mata.
Nakita ko si Tony na nakaluhod sa tabi ko pati na ang mga Diwata na nakapalibot sa aming dalawa.

"Ahh... An-anong nangyari?"
tanong ko habang hawak ang sumasakit kong ulo.

Minamasdan ko ang paligid, naalala ko na, nandito parin kami sa lugar ng mga Diwata.

"Pinag-uusapan lang natin ang tungkol sa mga talinhaga at apat na elemento ngunit nahilo ka ata at bigla ka nalang natumba at nawalan ng malay."
sagot ni Tony habang tinutulungan akong makabangon.

Biglang bumabalik sa akin ang mga flash of scenes na hindi ko alam kung saan ko nakita.
Si Tony, sinaksak ko siya, tapos may dugo, hindi gaanong detalyado ang nakikita ko, ngunit nakakarandam ako ng kaba.

"Ayos ka lang ba Maita?"
tanong ng Diwata sa akin.

"Ah.. Opo.."
maikling sagot ko, hindi ko na sinabi ang mga flash of scenes na nasa isipan ko.

Pinilit kong makatayo kahit pa nanlalambot ako. Alam kong kailangan na naming umalis, wala na kaming oras, may tatlong araw nalang kami, masyado na kaming maraming naigugol na oras sa lugar na ito.

"Maaari kayong manatili dito kung inyong gugustuhin, para makapagpahinga ka na rin Maita."
alok sa amin ng Pinunong Diwata.

Biglang hinarap ni Tony ang Diwata.

"Hindi na po kami magtatagal, kami po ay lilisan na."
paalam ni tony sakanila.

"Ngunit maaari n'yo po bang ituro ang daan papuntang tuktok ng bundok?"
hiling ko naman.

Bigla akong napahinto, may bigla akong naalala, mga putol-putol na flash of scenes nanaman ang sumasagi sa isip ko.
Iginala ko ang aking paningin at pinagmamasdan ko ang paligid.

"Teka! Parang nangyari na ito huh!"
nasabi ko nalang sa sarili ko.

Hindi ko alam kung saan ko ito nakita, maaaring isa sa aking mga panaginip o maaari ding isang pangyayari sa mga nakalipas na kaganapan sa buhay ko, ngunit natitiyak kong nakita ko na at nangyari na nga ang tagpong ito.

"Kung 'yan ang nais niyo. Sasamahan kayo ni Shantal. Siya ang diwata ng kagubatang ito, kabisado niya ang bundok na ito kaya matutulungan niya kayong marating ang rurok"
patuloy ni Inang Diwata.

Hindi na kami natagal pa at pinutol na ang usapan nang magsimula na kaming maglakad patungong Norte, kasama si Shantal na umalalay sa amin.
Pinagmamasdan kong muli ang paligid, nagmamasid-masid sa daanang aming tinatahak.
Pati ang paglalakad naming ito ay nasisiguro kong nakita ko na, ang malinis na daan, ang paraan kung paano maglakad sina Tony at Shantal ay parang nasaksihan ko na at parang nangyari na talaga dati.

Hindi ako mapanatag kaya nakipagkwentuhan nalang ako kay Shantal na nasa harapan ko, habang si Tony ay nasa likuran ko naman.

"Ahm, Shantal, saan ba nagmula ang mga Diwata?"

"Mortal, ang mga Diwata ay nagmula sa Paro-paro"

"Paro-paro?! Dati kang paro-paro? Butterfly?"
nagtatakang tanong ko.

"Opo. Lahat po kaming mga Diwata ay mga dating paro-paro, at hindi po kami tribo o lahi na dumarami, wala po kaming mga lalaki, at kami pong mga Diwata ay kami lang, mula noon, hanggang ngayon."
paliwanag niya.

Kahit napasarap ang pakikipag-kwentuhan ko sa kanya ay hindi parin mawala sa isip ko ang mga flash of scenes, nakikita ko nanaman si Tony.

"Si Marcus", "Si Tony!"

"Mamamatay!"

"Sa bundok Sinai..."

"Immortal", "Mortal"

Hindi ko maintindihan ang putol-putol naming usapan ni Tony sa imahinasyon ko.
Bakit kaya sumasagi sa isipan ko ang mga ganitong tagpo?
Tuloy-tuloy lang kami sa paglalakad habang patuloy pa rin ang usapan namin ni Shantal.

"Kami po ay Nilikha ng Butihing Witchcrafter para atasang tagapamahala ng Kalikasan, tulad ko na ang iginawad ay ang kagubatan"
patuloy ni Shantal.

Napakahiwaga talaga ng Last Witchcrafter, mukhang napaka-makapangyarihan ng nilikha niyang Witchazel.

"Ang ibig mong sabihin, nabuhay kayong mga Diwata ng dahil din sa Witchcrafter?"

Nagtataka talaga ako dahil ibang-iba ito sa mga napapanood kong Fairy Tales.

"Gano'n na nga po, at marami pa pong nilalang ang nilikha ng Huling Witchcrafter"
sagot niya.

"Maita, ang tagal mo na sa misteryo ng Huling Witchcrafter ngunit hanggang ngayon hindi mo pa rin alam ang mga nilikha ng Witchazel?"
bigla namang nagsalita itong si Tony.

"Siya ang may likha ng mga Bampira, tayo! Ng mga Werewolf, si Jacob, Diwata, Orcs, Tikbalang, Serena, at kung ano-ano pang Immortal na Supernatural being."
patuloy niya.

Bigla akong napahinto nang marinig kong bigkasin niya ang salitang Immortal.

"huh! Teka!!!"
bigla ko nalang naisigaw.

"Oh Maita, bakit ka tumigil?"
nagulat ko ata si Tony na nasa likod ko.

Napalingon din si Shantal na nasa unahan naman namin.

"Tony, pahiram ng balisong mo."
hiling ko sakanya.

"Bakit Maita? Anong gagawin mo sa punyal ko?"
nagsimula na siyang magtaka.

Bigla ko kasing naalala ang mga flash of schemes na kanina pa paikot-ikot na naglalaro sa isip ko.
Naalala ko na nasa bundok Sinai pala kami, at kung hindi umubra ang kapangyarihan nina Tony at Jacob dito ay siguradong hindi rin uubra ang kapangyarihan ni Marcus dito.

"Tony... uhm... Hindi mo ba naisip? Nasa loob tayo ng bundok Sinai, kapag namatay ako dito, at sa oras na mabuhay na si Marcus sa katawan kong ito ay madali mo na siyang mapapatay, dahil mawawalan siya ng kapangyarihan."
paliwanag ko sakanya.

"Ano bang pinag-iiisip mo Maita? Nakalimutan mo na bang wala rin akong kapangyarihan ngayon?"

"Hindi Tony. Mapapatay mo siya, sa tulong ni Shantal."

"hindi maita, lalo lamang lalala ang sitwasyon kapag ginawa mo yan.
Alam mo namang lalabas agad si marcus pagkamatay na pagkamatay mo at mabubuhay siya sa katauhan mo, at kapag nangyari 'yon ay hindi ko rin kayang patayin si marcus"
sagot niya.

Sumasakit na ang ulo ko sa mga flash of scenario na nabubuo sa isipan ko.
Parang nakikita ko ang mga susunod na mangyayari pa.

"Dahil mahal kita"

"Kamatayan"

"Sakripisyo"

"Pag-ibig"

Sa kalagitnaan ng pag-iisip ko ay biglang sumabat si Tony.

"Hindi ko kaya maita, hindi ko kayang masaksihan ang kamatayan mo! At kung mabuhay sa 'yo si marcus, kaya ko siyang patayin, ngunit paano ko siya sasaksakin kung ikaw, ang katawan mo ang nakikita ko?"
muling nagsalita si Tony.

Bigla akong nalungkot sa narinig ko sa kanya.
Maliwanag na mahal ako ni Tony, ngunit mas mahal ko siya, ngayon alam ko na ang tumpak na kahulugan ng sakripisyo, ang tunay na kahulugan ng Pagmamahal.
Ako ang magtatakda ng kamatayan ko, at ang araw na ito ko gustong igawad ang kamatayan sa sarili ko.

"Maita, wala akong ibang hinihiling sa 'yo kundi ang manatili ka sa piling ko. Wag kang mawalan ng pag-asa, hindi ito paraan, kundi isang pagtakas!"
patuloy niya.

Pagtakas? Bakit niya naisip na tumatakas lang ako sa suliraning ito?
Mukhang siryoso na talaga siya.

"Hindi Tony, wala akong tinatakasan. Gusto ko lang matigil na ang palaisipang ito, ang paghihirap natin."
paliwanag ko.

"Hindi Maita, huwag kang magpadalos-dalos, malapit na tayo sa tuktok ng bundok."

"Tapos ano?! Mamatay si Marcus, pati na ikaw at si Jacob?! At ano Tony?! Nakakasiguro ka bang maliligtas din ako?"

Naiinis na ako sa kanya, bakit ba hindi niya ako maintindihan? Heto na nga at pinapadali ko na ang lahat.

Biglang umihip ang malakas na hangin at panandaliang tumahimik ang paligid, tapos ay hinugot ni Tony ang balisong niya sa kanyang tagiliran, at nagulat nalang ako nang kusa niya itong inaabot sa akin.

"Maita, Hubo't-hubad ka no'ng una kitang makilala, isang kaluluwang pagala-gala, ngunit ang araw na 'yon ang pinaka-matamis at pinaka-masayang araw sa buong buhay ko. Ang araw na makilala ko ang babaeng hindi ko inakalang mamahalin ko.
Heto ang punyal, gawin mo ang nais mo. Ngunit pagkatapos mo, magpapakamatay na rin ako.
Maita, mahal kita"

Napakatamis ng ngiti na ipinakita niya sa akin na nagpaluha ng husto sa puso ko.

Humakbang ako papalapit sa kanya, habang siya ay nanatiling nakatayo at nanatiling nakatingin sa mga mata ko.
Biglang napalitan ng kasiyahan ang kalungkutang nadarama ko.
Mahal niya talaga ako, alam ko na noon pa, at ngayon ay sigurado na ako sa sarili ko na mahal ko na rin si tony.

Sayang lang at sa ganitong mundo pa kami nagkakilala, at ngayon iiwan ko na siya dahil buong-buo na ang desisyon ko.

Hinarap ko siya, mata sa mata, pakiramdam ko ay sa amin lang umiikot ang buong paligid sa mga oras na ito,
parang solong-solo namin ang bawat sandali.

Nagnining-ning ang mga mata niya, napakapungay talaga.
Minahal ko siya sa ganoong kaikling panahon lang.

Nakakalungkot isiping kung kailan umusbong ang pagmamahal ay 'yon din ang oras na kailangan niyo ng maghiwalay, dahil sa hinihingi ng kapalaran, dahil ito ang nakaukit sa tadhana.

Kinuha ko ang inaabot niyang balisong, na siya namang ibinigay niya ng maayos, ngunit pagkatapos ay marahan kong inilalapit ang mukha ko sa mukha niya, habang ang mga mata niya'y punong-puno ng pagtataka.
Nakatingin ako sa mga labi niya, oo nakatitig ako, at oo gusto ko siyang halikan, gusto kong maramdaman ng tunay at aktwal ang pagmamahal niya sa huling pagkakataon, bago man lang ako mamatay.

"Maita..."
pagsambit niya sa pangalan ko.

Napaatras pa siya pero kinabig ko ang katawan niya para hindi siya makalayo sa akin.
Hindi ko na alintana ang kasama naming diwata na si Shantal, basta ang nasa isipan ko ay mahalikan si tony.
Siya ang natatangi kong pag-ibig.

Dumampi ang mga labi ko sa mga labi niya, damang-dama ko ang tamis ng aming unang halik.
Naramdaman ko nalang na bigla siyang gumanti ng halik, dumiin ang pagkakalapat ng mga labi niya, nagsimula ng lumikot sa mga labi ko hanggang tuluyan na siyang bumigay.

Nakangiti ako pero sa loob-loob ko ay nalulungkot ako.
Sa tingin ko ay dito na talaga matatapos ang buhay ko.

Alam kong kasalanan ang magpatiwakal, ngunit kung ito lang ang tanging paraan para maligtas ang lahat ay handa ko na itong gawin ngayon, sa mga oras na 'to.

Gusto ko mang magbabad, ngunit pinutol ko na ang umiinit naming halikan.
Itinulak ko siya papalayo sa akin kasabay ng mabilis kong pag-atras.
Napaupo siya sa lupa sa lakas ng pwersa ng pagkakatulak ko.

Itinaas ko ang hawak kong balisong na itinutok ko sa dibdib ko.

"Maaaiittaaa!!! Waaagg!!!"
naisigaw nalang ni Tony dahil hindi na niya ako mahahabol at mapipigilan sa hangarin ko.

"Paalam mahal ko..."
ang tanging nasambit ko at ang mga huling katagang gusto kong sabihin.

Binawi ko na pababa ang hawak kong punyal, buong pwersa at isasaksak ko na sana sa sarili ko, sa tiyan ko, ngunit biglang sumabay ang mabilis na pag-galaw ng mga damong baging sa paligid na sa isang iglap lang ay naipon sa harapan ko, sa mismong kinakatayuan ko.

Nanlaki ang mga mata ko nang biglang mabuo ang katauhan ni Shantal sa mga damong ito sa harap ko, laking gulat ko nang bigla nalang sa isang iglap lang ay magkadikit at magkaharap ngayon kami ni Shantal, humarang tuloy ang katawan niya sa akin, at sa kanya ko tuloy naisaksak ang patalim na sana'y sa aking tiyan babagsak.

"Aaaahhhggg"

Imbes na sarili ko ang masaksak ko ay siya tuloy ang nasaksak ko.
Lumubog ang binitawan kong patalim na naiwang nakabaon sa likod ni Shantal kasabay ng pag-ihip ng malakas na hangin.
Malakas na malakas na hangin na parang may bagyo.

(Kapitulo Trienta y otso)

"Shantal! Bakit?! Bakit ka humarang?!"

Kinakausap ko siya, ngunit hindi siya makasagot, napapapikit siya at napaatras. Yayakapin ko sana siya ngunit bigla nalang siyang natumba, mabuti nalang at nasalo siya ni Tony.
Si Tony na hanggang ngayo'y gulat na gulat sa pangyayari.

Lalapitan ko sana sila ngunit hindi ako makahakbang, parang nabuhay ang mga damong gubat at naramdaman ko nalang na pumalupot ang mga ito sa mga paa ko, gumagapang ang mga damong baging sa mga binti ko, papuntang mga hita ko hanggang sa katawan ko.

"Tony! Tony!"

Tinatawag ko si Tony para tulungan niya ako.
Bigla kasi akong nakaramdam ng takot dahil sa mga mala-lubid na damong pumapalupot sa akin.

Napatay ko ata ang Diwatang si Shantal, at ngayo'y nagagalit sa akin ang kagubatan, ang kagubatang kaloob sa kanya.

Nilalamon ng mga mala-lubid na damong ito ang buo kong katawan.
Napakasakit, parang pinipiga ng mga damong ito ang mga paa ko, at ngayo'y gumagapang narin sa magkabila kong mga kamay, mga baging na gumagapang paakyat na rin sa leeg ko, at ilang saglit lang ay lalamunin narin pati ang ulo ko.

"Maita! Maita!"
sigaw ni Tony, natataranta at parang hindi alam ang gagwin.

Parang nasa kalagitnaan kami ng malakas na bagyo sa tindi ng hagupit ng hangin.
Natutumba na ang ilang mga puno sa paligid, parang hindi matanggap ng kagubatan ang pagkamatay ni Shantal, at ako ang sinisisi nito.

Binitawan ni Tony si Shantal at inihiga niya ito sa lupa.
Lumapit si Tony sa akin para tulungan ako, inabot niya at hinawakan niya ang kamay ko, ngunit mabilis na gumapang ang mala-lubid na damong ito sa kamay ni Tony, pati mga paa niya ay nilalamon at nababalutan na rin ng mga baging na damong ito, hanggang sa mukha nalang namin ni Tony ang nakalitaw.

"Maaiittaaaa!"

"Tonnnyyyy!"

Nahihirapan na akong huminga, lalo na nang pumulupot narin ang mga baging na damo sa ilong ko, patuloy na humihigpit ang mga damo sa katawan ko, hanggang tuluyan ng matakpan ang buong mukha ko, maging kay Tony na hindi ko na makita, nilamon na siya ng damo, nilamon na kami ng kagubatan.

Ngunit bago pa man tuluyang magdilim ang paningin ko ay may nakita akong liwanag.
Nakakasilaw na puting liwanag, at bago pa ako tuluyang malagutan ng hininga ay biglang lumuwag ang mga baging na damo sa pagkakagapos sa katawan ko.

Unti-unting natatanggal sa mukha ko, sa ulo, sa mga kamay na parang umaatras na ang damo.

Sa pinagmumulan ng liwanag ay nakita ko si Reynang Diwata na nakatayo sa tabi ng katawang nakahandusay ni Shantal, at nasa likod niya ay kasama ang lima pang Diwata.

Tuluyan ng nawala ang makapal na damo na kanina'y nakabalot sa mga katawan namin ni Tony.

Lumanghap ako ng hangin at huminga ng malalim, bumagsak ang katawan ko at napahiga ako sa damuhan, habang si Tony naman ay napaluhod, pareho kaming nakikipaghabulan sa hininga, hingal na hingal at nakakapanlambot.

"Nakita ko ang lahat ng pangyayari"
biglang nagsalita ang Reynang Diwata.

Habang nagsasalita siya ay binuhat ng mga kasama niyang Diwata si Shantal.

"Huwag kayong mag-alala, buhay pa si Shantal."
patuloy niya.

Hindi ako makatingin ng diretso sa kanya, nahihiya ako at nagi-guilty sa nagawa ko kay Shantal, muntik ko na siyang mapatay dahil sa katangahan ko.

"Maita, ano bang nangyayari sa iyo? Bakit nagpapakita ka ng kahinaan? Masyadong mahaba ang natitira mong tatlong araw para mawalan ka ng pag-asa, ngunit maikli ito para sa'yo sapagka't wala kang determinasyon."
sambit sa akin ng Pinunong Diwata.

Masyado nga ata akong nagpadalos-dalos sa aking nagawang desisyon.
Hindi ko alam ang aking isasagot, nakatingin lang ako sa Diwata, maging si Tony.

"Kung tatahakin niyo ang diretsong daan ay dadalhin kayo nito sa tamang direksyon, ngunit mag-ingat kayo sa mga Amazonang inyong madadaanan. Hindi na namin kayo maaaring samahan mula rito, gagamutin pa namin si Shantal."

tunay na mabait ang diwata.
Hinubad niya ang suot niyang kuwintas ng apat na elemento, ang kuwintas niya na sumasagisag ng kanyang pagiging Reyna.

"Heto, kunin mo ang kuwintas ko, baka sakaling kailanganin mo."

Inabot niya ito sa akin, tapos ay inabot din niya ang punyal ni Tony.

"Heto na ang balisong mo Ginoo at magpatuloy na kayo sa inyong misyon"
pagtatapos niya ng usapan.

Nang mahimasmasan na kami ni Tony ay naghanda na kami.

"Mahal na Reynang Diwata, patawarin niyo po ako, at sana'y mapatawad din ako ni Shantal"
paghingi ko ng paumanhin.

"Huwag kang mag-alala Maita, nangyayari talaga ang hindi inaasahan. Makakarating ito kay Shantal. Nakakasiguro akong hindi siya nagsisisi sa kanyang pagsasakripisyo."
nakangiting sabi ng Reynang Diwata.

"Sino po pala ang tinutukoy niyong Amazona?"
tanong ko nang maalala ko ang pagbanggit niya sa amazona.

"Ah. Sila ang tagapag-alaga ng gawing Norte. 'wag kayong mag-alala, galing din sila sa kapangyarihan ng Witchcrafter."
sagot niya.

Nagsimula na kaming maglakad ni Tony, bitbit ang habilin ng Diwata, ayos na ang katawan ko ngunit hindi parin natatanggal ang pagkahabag ng aking dibdib.
Nasa mata ko parin ang luha.

"Maita, tandaan mo, ikaw lang ang tanging makakasagot sa lahat ng katanungan mo, at ikaw lang ang makakalutas ng misteryong ito, kaya pag-ingatan mo ang iyong sarili."
mga huling katagang binitawan ng Reynang Diwata.

Ngayon, pursigido na ako at determinado.
Nagpatuloy na kami ni Tony, at ngayo'y kaming dalawa nalang.
Hindi matanggal sa mukha ko ang kalungkutan, nakaka-praning dahil napakatahimik nitong si Tony na naglalakad sa unahan ko, napaka-seryoso niya, hindi ko siya mabasa, hindi ko alam kung galit ba siya sa akin o kung ano na.
Napaka-init ng sikat ng araw, para kaming naglalakad sa disyerto.

"Tony, nauuhaw ako"
pagdadahilan ko para lang makuha ang atensyon niya at para makapagbukas ng usapan.

Ngunit imbes na kausapin niya ako ay huminto lang siya sa tapat ng isang matayog na puno ng buko, walang ano-ano'y bigla nalang siyang umakyat. Ang galing! Ang bilis! Gumapang siya paakyat na parang umakyat lang sa hagdan.
Pinaikot ang bunga ng buko atsaka inihagis sa damuhan hanggang maka-apat siya, atsaka na bumaba.

"Paano natin ito bubuksan?"
muli akong nagtanong pagbaba niya.

Umaasa ako na kakausapin na niya ako ngunit hindi parin siya kumibo, at ang poker face niya ang tanging iniharap sa akin.

Umupo siya at binalatan niya ang mga buko gamit ang kamay niya, parang nakapadali ng ginagawa niya.

"Marunong ka pala niyan?"
tanong ko, gusto ko talaga siyang kausapin niya ako, hindi 'yung tahimik lang siya na nakakatorete.

Pagkabalat ng mga buko ay binuksan niya na ang mga ito gamit ang patalim niya atsaka iniabot sa akin ang isa.

Kinuha ko at ininom ng may halong sama ng loob. Bakit ayaw niya akong kausapin? Kung may ayaw siya, bakit hindi niya sabihin?
Habang umiinom ako ay muli siyang kumilos at nagtungo sa kung saan, ni walang pasabi kung saan siya pupunta, kung lalakad na ba kami o kung ano na!
Naiinis na talaga ako sa kanya.

Pagbalik niya ay may dala siyang iba't-ibang uri ng prutas, papaya, guyabano, mangga at kung ano-ano pang pwedeng makain.
Binalatan niya gamit ang punyal at ibinigay sa akin.

"Naku, sabik na sabik na akong makakain ng Mr. Crab's Burger!"
parang tanga na akong dada ng dada ngunit hindi parin niya ako kinakausap.

Hindi ko maayos-ayos ang pagkain ko dahil talagang nababanas na ako, at nang hindi ko na matiis ay diniretso ko na siya.

"Tony, ano ba?! Kung galit ka sa akin, sabihin mo! Hindi yung ganito na parang iniiwasan mo ako!"

Nanlaki ang mga mata niya at napatigil sa pagkain ng prutas nang marinig niya ang sinabi ko.
Nagulat ko ata siya.

"Ano bang sinasabi mo?"
nasabi lang niya na ang kasama ay ngiti.

"Bakit hindi mo ako kinakausap?"
muli kong tanong.

"ano ba sa tingin mo ang ginagawa ko ngayon Maita?"

"at ngayon namimilosopo ka!"
naiinis na talaga ako sakanya.

"Ano bang gusto mong pagusapan natin Maita?"
tanong niya matapos ang ilang minutong katahimikan.

"Gusto mo bang ipagbalat kita ng saging?"
pang-aasar pa niya.

Ako naman itong hindi makasagot, gusto ko sanang pag-usapan namin ang nasabi niya kanina, ang tungkol sa nararamdaman niya para sa akin.
Gusto kong itanong kung totoo nga ba ang sinabi niya kanina na mahal niya ako, o nasabi niya lang iyon dahil nagpapakamatay ako?

"Nahihirapan ka na ba Maita?"
nagulat ako sa biglaan niyang pagtatanong.

"A-ano'ng ibig mong sabihin?"

"uhm.. Wala naman.. Bakit mo nga pala naisipang magpakamatay?"
naging tuloy-tuloy na rin ang usapan namin.

"Strategy nga 'yon Tony, kapag namatay nga ako ngayong dito sa lugar na ito ay madali mo ng mapapaslang si Marcus."

"Sya nga?! Bakit mo nga naisip 'yon? Siguradong may basehan at batayan ka!"
muli nanaman siyang naging siryoso.

"Ewan ko Tony! Basta naisip ko lang, parang nangyari na kasi 'yon, parang naulit lang, parang nakita ko na 'yon dati pa. Isang uri ng Deja Vu"

"Deja Vu? Ibig sabihin nalaman mo na ang nangyari bago pa ito mangyari?"

"Parang gano'n na nga..."

"at nalaman mo ring may mamamatay, huh, Maita?!"

"uhm.. Oo?!x@.."

"Nalaman mo na palang may mamamatay, bakit tinuloy mo pa, at bakit hindi mo kami binalaan?"
napatindig pa siya sa tanong niya.

Maliwanag na sina-Psywar ako ni Tony. Maliwanag na gusto niya akong kumprontahin at gusto niyang isakdal sa akin ang buong sisi.

"No'ng una hindi ko alam Tony! Akala ko simpleng flashback lang ang nangyayari, hindi ko naman alam na magkakatotoo eh!"

Gusto ko ng maiyak sa pagpapahirap sa akin ni Tony, masyado na akong nabibigatan.

Bigla siyang tumayo at inalalayan din niya ang pagtayo ko.
Hinarap niya ako at nagulat ako sa kagandahan ng ngiting ipinakita niya sa akin.

"Kung talagang mahal mo ako, lahat ng nangyayari sa'yo o lahat ng kakaibang maisip mo, dapat ipaalam mo sa akin."
buong puso niyang banggit.

Natulala parin ako at natigilan sa sinabi niya, parang nasagot na lahat ng mga katanungan ko, at ang masarap pa nito ay nang magyaya na siyang umalis.

"Tara na!"

Hinawakan niya ang kamay ko at nagsimula na siyang maglakad.
Nagnining-ning ang mga mata ko habang tinititigan ko ang aming hawak-kamay, wala akong pakialam kahit matalisod man ako sa paglalakad.
Parang akong bumalik sa pagkabata, isang dalagita na kung umibig ay ubod tamis, ubod kilig.

(Kapitulo Trienta y nueve)

Inabot kami ng dilim sa gilid ng isang malawak na ilog, na ang dulo ay malalim at matarik na bangin, kung saan umaagos at nahuhulog ang tubig.

"Waterfalls ang dulo ng ilog na ito"
sambit ni Tony.

Sinubukan ni Tony na lumusong sa tubig, ngunit hindi pa man siya nangangalahati ay umabot na hanggang sa bewang niya ang tubig.

"Malalim ang ilog, at talagang matatangay tayo sa lakas ng pag-agos ng tubig."
sabi ni Tony nang makabalik na siya sa akin sa pangpang.

"Marunong ka bang lumangoy?"
tanong pa niya.

Umiling-iling lang ako dahi hindi ko natutunan ang paglangoy sa buong buhay ko.

"Paano tayo tatawid sa ilog na ito?"
tanong ko, at nangangamba din dahil hindi ako marunong lumangoy.

"Hmm... Ang mabuti pa, dito na tayo magpalipas ng gabi, bukas na tayo tumawid"

"Hindi Tony, may tatlong araw na lang tayo, kailangan na nating magpatuloy."
pagtanggi ko.

"Ayan ka na naman Maita! Mapanganib na ang gabi, palipasin muna natin"

"Sayang ang oras Tony, kailangan na tayong umalis bago pa maging huli ang lahat."

"Huwag kang makulit Maita!"

Pagkasabi niya'y tumalikod na siya kaagad sa akin.
Dahil sa pagpupursige ko na hikayatin siya na magpatuloy na ay nagtanggal ako ng sapatos at lumusong ako sa ilog.
Alam kong hindi rin niya ako matitiis at makukumbinse ko rin siya na magpatuloy.
Napakalamig ng tubig na nadarama ko sa aking mga paa, palingon-lingon ako kay Tony, umupo siya at sumandal sa isang puno.

"Huwag kang makulit Maita, bumalik ka na rito"
sabi niya.

"Hindi! Tutuloy na ako!"
mariin kong sagot.

Tinitignan ko ang malawak na tubig, napakalakas ng aagos, pati mga malalaking sanga ay natatangay, ngunit natatanaw ko ang kabilang pang-pang.
Sa sumunod kong hakbang ay nakarandam na ako ng nierbyos.

"Aahh"

Nagulat ako nang biglang lumubog ang paa ko hanggang tuhod, damang-dama ko ang matutulis na bato na naaapakan ko.

"O ayan na Maita, bumalik ka na dito"

Napansin kong biglang nag-alala si Tony.
Ahm konti nalang at mapapasunod ko na siya.
Nang humupa na ako ay muli akong humakbang, ngunit bigla akong natalisod, nakaapak ako ng matalim na bagay, pinipigilan kong matumba ngunit nanlambot ako ng husto.

"Aaahhhahhhrrrrggg"

Napadapa ako, hindi malaman kung sa'n kakapit.
Bago ako mapaluhod sa tubig ay napansin ko pa si Tony na tumayo at tumakbo ng matulin papalapit sa akin.

"Maaaitttaaa"

Huli na siya, hindi na niya ako nahabol, tuluyan na akong natumba at lumubog ang buo kong katawan sa tubig.
Napapikit ako sa ilalim ng tubig, sumakit ang ilong ko dahil nakalanghap ako ng tubig.
Sinubukan kong iahon ang ulo ko habang winawagayway ang mga kamay.
Halos hindi ko na makapa ang lupa, wala na, napadpad na ako sa malalim na parte ng ilog.
Naiahon ko pa ang aking ulo, ngunit sadyang natatangay na ako sa malakas na agos.

"To-toonnnyyy!"

Nakita ko siya na tumalon at nag-dive papunta sa akin.
Sinusubukan kong lumangoy, ngunit hindi ko makontrol ang sarili ko, tinatangay ako ng agos papunta sa matarik na falls.
Nagsimula na akong mataranta at matakot, habang si Tony ay pilit akong inaabot.
Malakas ang paghampas ng tubig.
Inunat ko ang mga kamay ko at pilit ko rin siyang inaabot, hanggang sa nagaga niyang abutin ang kamay ko.
Hinawakan niya ang kamay ko ng mahigpit at hindi niya ako binitawan, tapos humawak siya sa isang sanga ng puno na nakatiyangyang sa ilog.

"Kapit Maita, kapit!"
sigaw niya.

Pilit niya akong hinihila palapit sa kanya, habang ang isang kamay niya ay mahigpit na nakahawak sa sanga.
Ngunit sadyang malupit ang ilog na ito, parang tsunami ang paghampas ng tubig sa mga katawan namin ni Tony.

Akala ko ay maliligtas na kami, hindi ko napansin ang isang kahoy na mabilis na natatangay ng agos, diretso papunta sa akin. Bigla itong bumangga sa akin, dumulas tuloy ang kamay ko sa kamay ni Tony, nabitawan niya ako at kasama kong sumalpok ang kahoy patungo sa dulo kung saan pabagsak na ang tubig.

"Maaaittaaaa!!"
sigaw ni Tony.

Kinilig ako ng husto sa kanya nang bigla nalang siyang bumitaw sa sanga para sundan ako, mahal niya talaga ako.
Alam na niyang malapit na akong malaglag sa dulo ng riverfalls pero heto, sinundan parin niya ako para iligtas.

Huli na, malapit na malapit na talaga akong bumagsak sa bangin ng riverfalls.
Pumikit nalang ako at naramdaman ko nalang na bumagsak bigla ang katawan ko, napalanghap pa ako ng hangin dahil parang naiwan ang puso ko sa taas.

Hindi ko na rin matanaw si Tony, nilamon na siya ng tubig. Nabablanko na ang isip ko. Muli akong dumilat, bumabagsak ang tubig sa mukha ko, pinilit kong makita ang langit, parang naririnig kong kumakanta ang mga mumunting Kerubin.
Palakas ng palakas ang pagkabog ng dibdib ko habang hinihintay kong bumagsak ang katawan ko sa tubig.

"Aaaaaahhhhhhhh"

Napapasigaw ako sa tuwing mararamdaman kong parang babagsak na ako sa tubig.
Nag-iipon ako ng hangin sa loob ng aking bibig, ang lakas ng pagsalpok ko sa tubig at bigla nalang akong hinigop pababa.
Lumubog ang buong katawan ko, napakalalim, wala na akong ibang marinig kundi ang pagaspas ng tubig sa aking tenga, nakakalunok na rin ako ng tubig at nagsimula na akong mawalan ng hininga.

"Maita... Maita..."

Bigla kong narinig na may tumatawag sa pangalan ko, parang boses ng isang babae.

"Maita... Maita..."

Tama. Boses babae nga, at hindi lang isa kundi marami at iba't-ibang boses babae ang naririnig ko sa aking isipan.

"Maita... Huwag na huwag kang susuko..."
ang paulit-ulit kong naririnig na salit-salitan nilang sinasabi.

Salamat nalang sa kanila at bigla akong nabuhayan ng loob. Minulat-mulat ko ang mga mata ko, kahit wala akong makita, sinubukan kong lumangoy, hinampas-hampas ko sa tubig ang aking mga kamay habang ang mga paa ko'y aking itinadyak-tadyak. Sinubukan kong lumangoy pataas, patungo sa liwanag na naaaninag ko.
Ngunit parang hindi man lang ako umuusad, hindi man lang ako lumalapit sa liwanag, hanggang maramdaman ko nalang na parang may mga kamay na humawak sa buong katawan ko, napakaraming kamay, pakiramdam ko napakaraming nakahawak sa akin.
Isinulong nila ako pataas, tinulungan nila akong makaahon.

Nang masilayan ko na ang liwanag ng buwan ay humigop agad ako ng hangin, hinahabol-habol ko ang hininga ko.
Bigla kong nakapa ang lupa sa mga paa ko. Nang mahimasmasan na ako ay napagtanto ko na nasa pangpang na pala ako. Nagtataka pa ako kung papa'no ako nakarating ng pangpang, salamat na lang sa mga tumulong sa akin, kung sino man sila, siguradong nasa panig ko sila.

Umahon ako at napahiga sa pangpang, sa baybay. Pagod na pagod ako at hinihingal pa rin.
Tinitignan ko ang itaas ng falls, may kataasan din pala, buti na lang at buhay pa ako.
Nakaramdam ako ng kaba, nakaramdam ako ng pag-aalala para kay Tony nang maalala ko siya, ngunit ang labis-labis kong ikinakaba ay ang naaaninag ko sa gilid ng aking mata, parang may kung anong bagay ang gumagalaw sa ibabaw ng tubig na papalapit sa akin.

Paglingon ko, laking gulat ko nang makita ko ang mata ng isang malaking buwaya na papalapit sa akin, isang buwayang nakalutang sa tubig at mukhang gutom na gutom.

Umakyat ang nerbyos ko sa aking ulo, parang nabuhayan ako ng dugo at nagsimula na akong maalarma.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko, kung gagalaw ba ako o mananatiling nakatunganga sa buwaya.
Mga dalawang metro nalang ang layo nito sa akin, natatakot akong tumakbo dahil baka bigla niya akong habulin, nanginginig na ako, nanginginig pati labi ko.

"Wooaaahhh"

"Aaaahhhhh"
napatili na ako nang makita kong bumuka ang bunganga ng buwaya.

Napapaatras ako at napasampa sa lupa, pansin kong bumilis ang pagkilos ng buwaya papunta sa akin.
Sa kakaatras ko ay may nakapa akong matigas na bagay, madulas at magalaw, paglingon ko nanlaki nalang ang mga mata ko dahil ahas ang nakapa ko, at ngayo'y heto na at tutuklawin niya na ang balikat ko, sa bilis ng mga pangyayari ay hindi ko magawang umilag, ngunit bago pa man makaabot ang mga pangil ng ahas sa balikat ko ay may isang kamay na sumakmal sa ulo ng ahas, mabilis at malakas, bigla niyang inihagis sa malayo ang ahas, malayo ang narating.

Paglingon ko sa dumakma ng ahas, nakilala ko agad. Si Tony!
Napanatag bigla ang kalooban ko dahil sa wakas nandito na ang Hero ko.
Laking pasasalamat ko at walang nangyaring masama sa kanya.

Mabilis siyang tumakbo papunta sa buwaya, laking gulat ko nang bigla niya nalang itong sinunggaban.
Napakatapang talaga niya, hindi man lang siya nagdalawang isip na sugurin ang mabangis na buwaya, walang tigre o buwaya, bangin o kamatayan sa kanya mailigtas lang niya ako.

Alalang-alala ako sa pakikipag-dwelo niya sa buwaya, naglalapasag sila sa ibabaw ng tubig, hindi ko malaman kung papa'no ko siya tutulungan.
Tapos, napapikit nalang ako nang makita ko siyang pinagtataga ang buwaya, pinagsasaksak niya sa ulo ang buwaya gamit ang balisong niya, hanggang sa mamatay ang mabangis na buwaya.

Kumalma na ang tubig, naglalakad si Tony sa pag-ahon niya, hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit napatayo nalang ako bigla at sinalubong ko si Tony. Oo, sinalubong ko siya at bigla ko nalang siyang niyakap, hindi lang basta yapos kundi mahigpit at makabuluhang yakap kasabay ng pagtulo ng luha ko.
Iniyakan ko ang balikat ni Tony, wala, basta umiyak lang ako, umiyak ng umiyak.

To be continued...

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.