Wednesday, November 27, 2013

Alon Book 2 by: EreimondB (episode 08)


“S-s-siya yung sinasabi ko sayo Alo…yung nagpakilalang kaibigan mo raw…” Nanginginig na saad ni Nikki habang nakatingin sa kanyang boyfriend.

Hindi niya malaman kung ano at paano maipapaliwanag sa binata kung bakit nasa loob ng penthouse si Nestor. Gusto sana niyang mabilis na makaisip ng paraan at idadahilan kay Alo, ngunit mas napapangunahan siya ng takot at kaba.

Hindi naman mabasa ang reaksiyon na nasa mukha ni Alo. Diretso lang itong nakatingin kay Nestor at tila kinakabisado ang hilatsa ng pagmumukha nito.

“Alo! Kaibigan! Long time no see!!! Hehehe…” Saad ni Nestor.

Itinaas lang nito ang kanyang kamay habang nakangiti kay Alo.

Nagpapanggap pa rin itong kaibigan ng binata.

Dinig na dinig naman ang paghinga ng dalaga nang magsalita si Nestor. Pinanlalakihan na niya ito ng mata at naiinis dahil hindi siya sumunod sa kanya nang ito’y palabasin.

Halos mahimatay na siya sa sobrang pagkabahala, sa kung ano ang nasa saisip ng kanyang boyfriend.

Hindi pa rin mahulaan ni Nikki kung ano ang nararamdaman nito dahil walang reaksiyon na makikita mula sa kanyang mukha.

“A-a-alo… “ Mahinang bulong ng dalaga.

Dahan-dahan namang napangiti sa Alo.

Tila alam na nito ang dapat niyang gawin sa lalaking nasa kanyang harapan.

“"Pare!!! Tagal mong hindi nagpakita sa akin ah! Long time no-see din pare, kamusta?" Biglang saad ni Alo.

Takang-taka naman si Nikki sa ginawa ni Alo. Nasaisip niyang hindi siya kakilala ni Alo at nagulat na lamang ito sa reaksiyon ng kanyang boyfriend kay Nestor.

Alam ni Nestor na nakikipaglaro din sa kanya ang binata, at hindi niya alam kung hanggang saan siya kakayanin ng anak ng may-ari ng hotel.

Hinawakan ni Alo ang kamay ng kanyang girlfriend at pinalakad niya ito ng kaunti upang tuluyan na siyang makapasok sa loob ng penthouse.

Siya na mismo ang nagsara ng pintuan at tuluyan na itong nakapasok sa loob.

Nagsimula na silang maglakad papalapit sa sofa, kung saan nakaupo si Nestor.

Ngiting aso naman ang lalaki at pilit na hinuhulaan kung ano ang nasa isip ng binata.

“Bakit ngayon ka lang nagpakita pare, tagal kita hinitay ah… May utang ka pa sa akin.”  Natatawa pang saad ni Alo saka nakipagkamay kay Nestor.
“Ngayon lang nagkaoras pare.”
Kumportable namang umupo si Alo sa sofa habang nakadekwatro.
“Umupo kayo. Ayoko namang makipagkuwentuhang nakatayo… Hehehe…”

Pinagpapawisan naman ng malamig ang dalaga at agad na umupo sa tabi ng boyfriend.

“A-a-alo…uhmmm…kukuha lang ako ng maiinom…”
“Teka Nikki, gusto ko lang makilala mo ng husto itong kaibigan ko. Di ba, Nestor?”
“Ah eh…”
“Bakit hindi mo simulan Nestor, paano nga ba tayo nagkakilala?”

Nakangiti lang ang lalaki at tila hinahamon siya ni Alo sa kung anong puwede niyang sabihin sa dalaga.

Nakayuko naman si Nikki habang hinihintay kung ano ang sasabihin ni Nestor.

“Wait… Huwag mo sabihing nalimutan mo na pare?! Nakakasama naman ng loob yun pare! Hehehe…” Pahabol na biro ni Alon.
“Sa San Joaquin…” Maikling saad ni Nestor.

Napatingin naman ang binata rito at biglang nag-iba ang kanyang mukha.

“Halos kakarating niyo lang ng daddy mo dito sa Baler. Kagagawa lang nitong hotel noon. Pumunta kayo ni Don Hector sa San Joaquin. Nag-iisa ka nun sa may pampang. Sinusubukan ang bagung-bago mong surfboard. At dahil mukha kang turista noon, pinagtripan ka ng mga batang kasing edaran mo. Pinagsusuntok ka… Pinagsisisipa… Tapos gusto pa nila itakbo yung surfboard mo. Mabuti na lang naroon ako kung hindi, nawala na lahat ng gamit mo. Hinabol ko sila at iniharap sa iyo. Iyak ka lang ng iyak noon na parang batang inagawan ng kendi. Hanggang sa iniabot ko, yung mga bagay na kinuha sa iyo. Tumayo ka at lumapit upang kuhanin yung surfboard sa akin. Maya-maya, nagulat na lang kami nang bigla mo ito inihampas sa batang kumuha ng gamit mo. Tumumba yung bata, halos mabasag ang bungo. Hindi ka kinasuhan dahil sabi nila, prinotektahan mo lang ang sarili mo. At dahil sa tinulungan kita, kinuha akong empleyado dito sa hotel. Sa mga taon na naririto ka sa Baler, nasaksihan ko ang lahat-lahat sayo… Lahat lahat pare… Kaya nga naging magkaibigan tayo di ba?”

Sandaling natahimik si Alo nang matapos magkuwento si Nestor.

Hindi na niya maalala ang lalaki, ngunit totoong may nangyaring ganoon dati.

Sa sobrang galit ay halos nakapatay siya noong araw na iyon.

Isa iyon sa mga bagay sa kanyang nakaraan na gusto niyang kalimutan.

Ibinaling ni Alo ang kanyang paningin sa may bintana at halatang nabahala siya sa ikinuwento ng lalaki.

Napalunok na lamang si Nikki at patuloy na kinakabahan at pinagpapawisan.

“Sana naalala mo pa iyon pare…” Dagdag ni Nestor.

Nakuha na nito ang atensiyon ng binata. Alam niyang natakot ito sa kanyang ipinahayag kani-kanina lamang.

“Oo naman. Naalala ko pa. Sino ba naman ang hindi makakalimot nun, hindi ba?”
“Nikki! Kung gusto mo naman na kuwentuhan kita sa mga naging ckicks nitong si Alwyn, eh pagpasensiyahan mo na. Kasi nangako ako na hinding hindi ako magsasalita, at dadalhin ko ang mga sikretong iyon sa aking hukay… Hehehehe…”

Napatingin naman si Nikki kay Nestor at maya-maya nama’y nilingon si Alo.

Napatawa naman ng saglit ang binata.

“Iyan ang gusto ko sayo pare… Marunong kang tumahimik… Magkano ba?” Biglang tanong ni Alo.

Seryoso itong humarap kay Nestor, na siya namang ikinagulat ng lalaki.
Sandaling tumahimik ang paligid.

“Biro lang pare!!! Hahahahaha!!! Ikaw naman, parang hindi mo naman alam kung paano ako magbiro…” Saad ni Alo na may malakas na tawa.
Napalunok naman si Nestor.

“Hehehe… Talagang hindi ako masasanay pareng Alo. Sige ka, baka totohanin ko yan… Hehehe…” Sagot ng lalaki sa biro ni Alwyn.

Hindi pa rin mapalagay si Nikki sa nangyayari sa kanyang harapan.

Hindi rin niya alam kung totoo bang magkakilala ang dalawa at magkaibigan. Dahil kung ganoon, tiyak na mananagot siya sa binata sa kanyang ginawa.

“K-k-kuha lang ako ng maiinom…” Maninang saad ng dalaga.

Tumingin naman sa kanya si Alo. Alam niyang naiilang na ang kanyang girlfriend sa kanilang ginagawa at kanina pa nitong gustong tumakas.
Napapangisi na lang ang binata sa mga ikinikilos ni Nikki.

Hindi lang siya makapaniwala na papatulan ng kanyang girlfriend ang ganitong uri ng lalaki.

“Sige, Niks. Mabuti pa nga’t kuhanan mo kami ng maiinom.”

Mabilis namang tumayo si Nikki at naglakad patungo sa kusina. Saglit itong huminto at tumayo sa may lababo, at sinamatalang huminga ng maluwag dahil sa sobrang nerbyos na nadama nito, nang magkaharap ang kanyang boyfriend at si Nestor.

Tahimik namang nagtitigan ng masama ang dalawang lalaki sa may sala.

“Putang ina mo! Anong ginagawa mo dito?!” Mahinang saad ni Alo. Panay ang linga niya sa kinaruroonan ni Nikki.

“Bakit hindi mo tanungin yang babae mo? Nang malaman mo kung bakit naandito ako.” Mahinang tugon ni Nestor.

“Napakawalang hiya mo. Talagang kapal ng apog mong magpakita sa akin, matapos….”

“Matapos ano? Matapos mabuking yang kalokohan at kalibugan mo?”

“Wala kang karapatang gawin yun… Wala kang pakialam sa kung anong ginagawa ko sa loob ng kuwarto ko.”

“Kung wala nga dapat akong pakialam, eh bakit halos umikot yang puwet mo sa takot? Pati na ang tatay at ang madrasta mo? Hehehehe…”

“Ipapahuli kita, tangina mo!”

“Huwag ako ang takutin mo. Dahil hawak ko ang buhay mo. Ayy, mali pala…Hawak ko ang kahihiyan ng pamilya mo. Hehehe…”

“Putang ina!!”

Biglang sinugod ni Alo ang lalaki at agad namang napigilan ni Nestor ang kamaong papalapit sa kanyang mukha. Nakahawak ito sa kamay ng binata samantalang ang isang kamay naman niya ay nakakapit sa may bandang panga ni Alo.

Walang madidinig na tunog sa kanilang ginagawang pag-susuntukan.

May sandaling nakakasuntok sa mukha si Alo at sinasakal nito si Nestor.

Pilit namang lumalaban ang lalaki at sinusuntok sa tagiliran ang binata.

Pigil na pigil ang kanilang ingay at tinitiis ang sakit na nararamdaman mula sa bugbog na nakukuha sa isa’t isa.

“Tangina mo!”
“Tangina mo rin!”
“Mapapatay kita…”
“Tangina patayin mo na ako ngayon, kundi isisiwalat ko ang kababuyan mo.”

Halos hindi na makahinga si Nestor sa pagkakasakal ni Alo sa kanyang leeg.

Iniabot naman ng lalaki ang kanyang braso na nasa baba ng binata.
Nakataas ang ulo ni Alo dahil sa kamay ni Nestor, at pilit siyang inilalayo sa katawan niya.

Maya-maya ay may nadinig silang nahulog na baso at pinggan, at sabay silang napatingin sa direksyon, kung saan nanggaling ang tunog na iyon.

Tila napako naman si Nikki sa kanyang kinatatayuan, nang makita ang kanyang boyfriend at si Nestor sa ganoong posisyon.

Bigla namang nagkalasan ang dalawang lalaki at parang walang nangyaring masama sa kanila.

Tinapik pa ni Alo ang bandang batok ni Nestor at tila napalakas niya pa ito.

“Hahahaha… Namiss kasi namin ang isa’t isa Niks. Ganito lang talaga kami, hindi ba pare.” Tatawa-tawa pang saad ni Alo.
“Hehehehe… Oo, ganun na nga… Hehehe…”  Saad ni Nestor habang inaayos nito ang kanyang kuwelyo.

Para namang mauubo ang lalaki dahil sa lakas ng pagkakasakal sa kanya ni Alo. Akala niya’y matutuluyan na siya sa binata.

“Aalis na ako pare… May gagawin pa kasi ako…”
“O sige pare… Magkita na lang tayo para tapusin ito…” Sagot ng binata.
Napatingin naman sa kanya si Nestor.
“Para tapusin, ang ano…itong pagkukuwentuhan natin… Hehehe…” Dugtong ni Alo.

Tumayo na si Nestor at inayos ang sarili. Tinanguan na lang niya si Nikki mula sa malayo.

Hindi naman makangiti si Nikki dahil sa pagkabigla sa kanyang nakita kani-kanina lang.

“Sige pareng Alwyn una na ako.” Muling paalam ni Nestor.
“Sige pare…” Saad ni Alo sabay nagpakawala ng mahinang suntok sa tiyan ng lalalki.
“Uggh!” Mahinang napadaing si Nestor sa pagkabigla.
“Tangina mo, mamatay ka na…” Bulong ni Alwyn sa kanyang sarili.

Nagsimula nang maglakas si Nestor hawak-hawak ang kanyang tiyan.

Gusto sana niyang labanan ang lalaki, ngunit mas minabuti nitong umalis na lamang.

Nang binuksan na nito ang pintuan, ay lumingon ito kay Alo.

“Pareng Alo… Baka gusto mo namang dalawin ang puntod ng kapatid ko.”

Napalingon ang binata kay Nestor nang magsalita ito.

Takang-taka siya sa sinabi sa kanya ng lalaki.

Maging si Nikki ay napa-isip din.

“Kasi pare, natuluyan na siya mula noong nahampas siya sa ulo. Namatay na rin siya noong nakaraang taon, sa halos ilang taong pagkaratay niya sa kama. Mukhang napuruhan kasi siya sa pagkakahampas ng surfboard.”

Nanlaki naman ang mga mata ni Alo sa kanyang narinig.

“Sige, pareng Alwyn. Una na talaga ako.” Saad ni Nestor habang naka-ngisi.

Nang tuluyang naisara na ang pintuan ng penthouse ay biglang napaupo si Alo. Patuloy ito sa pag-iisip sa kung ano ang ibig sabihin ni Nestor at kung totoo ba talaga ang isiniwalat nito.

Lumapit sa kanya si Nikki at umupo sa kanyang tabi.

“A-a-alo..”
“Not now, Niks… not now.” Maikling saad ni Alo saka ito tumayo at umalis ng penthouse.

Parang umiikot ang paningin ng binata sa dami ng kanyang iniisip.

Dahan-dahan itong naglalakad sa kabilang wing ng hotel, upang pumunta sa kanyang penthouse.

Paminsan-minsa’y napapatigil pa ito sa paglalakad at kumakapit sa pader, dahil sa pagakahilo.

Gusto niya malaman ang totoo. Gusto na niyang tapusin ang lahat ng panloloko sa kanya ni Nestor.

Gagawin niya ang lahat para matigil na ang mga ginagawang panggugulo ng isang estranghero.


Chapter 8: Tik…Tik…Tik…BOOM! PART 1

Baler, Aurora

Hindi mapakali si Dale na kanina pang naghihintay sa penthouse ng kanyang batang amo. Panay ang lakad nito at hindi matahimik ang kanyang isipan sa kung ano na ang nangyayari kina Alo at Nestor.

Siya kasi ang nagsumbong kay Alo nang makita nitong pinapasok ni Nikki ang lalaki sa kanilang penthouse.

Na siya namang agad pinaniwalaan ng binata at sinugod ang mga ito na nasa kabilang wing. Nagtago na lang si Dale sa hotel room ni Alwyn dahil alam niyang mapanganib ang kanyang ginawa.

Maya-maya ay umupo ito sa sofa.

Pilit niyang inirerelaks ang sarili at iniisip na walang masamang nangyayari sa kabilang kuwarto.

Uminom na lamang siya ng tubig na nasa kanyang harapan upang tuluyan na niyang mapakalma ang sarili.

Hanggang sa biglang tumunog ang pintuan ng penthouse at bigla siyang napatayo.

Kinakabahan kung sino ang taong pumapasok sa silid ng kanyang bossing.

Pigil na pigil ang kanyang paghinga.

At nababuntong hininga na lamang si Dale nang lumitaw ang ulo ni Alo papasok sa penthouse.

“Sir? Ayos lang po ba kayo?” Tanong ni Dale.

Hindi naman siya sinagot ng binata at dumiretso ito sa kanyang mini bar.

Naglagay ng alak sa baso at agad nitong ininom, kahit walang yelo.

Pilit nitong nilulon ang napakapait at napakainit na alak, na siyang gumuhit sa kanyang lalamunan, dibdib pababa sa sikmura.

“Putang ina! Tang ina!” Bulyaw ni Alo.

Tahimik na nagmamasid si Dale sa ginagawa ng kanyang batang amo.

“Napakawalang hiya talaga niyang lalaking yan! Tangina lakas ng loob magpakita sa akin. Anong tingin niya sa sarili niya? Diyos!? Putang ina talaga!”
“Ano pong nangyari sir? Sinaktan po ba kayo ni Nestor? Magpapatawag na po ba ako ng security?”
“Hindi. Walang kang gagawin. Ako ang hahanap sa hinayupak na yon!”
“Pero sir, mapanganib po yang si Nestor. Wala pong sinasanto yun.”

Saglit na napatigil si Alo at maya-maya’y naglagay muli ng alak sa kanyang baso.

Binuksan ang lalagyan ng yelo at nilagyan niya ito, saka marahang hinalo ng kanyang kamay upang agad mapalamig ang alak.

“Gaano mo kakilala si Nestor?”
“Nauna po siya ng halos dalawang taon sa akin dito sa hotel sir. Hindi ko nga po alam kung bakit napakalakas niya sa boss namin, kaya walang takot gumawa ng kalokohan.”
“Eh ang pamilya niya? May alam ka ba don?”
“Ang alam ko lang po eh siya lang ang nagtatrabaho sa kanila. Dati po alam ko may kapatid yang matagal na nakaratay sa ospital. Tapos matagal ding nawala dito sa hotel si Nestor. Pero hindi pa rin siya pinatanggal ng boss namin.”
“Kailan niya pinalabas ang mga bidyo ko?”
“Noong nakaraang taon po. Malaki daw pangangailangan niya. Tinuturuan pa nga kaming magbenta. SIya kasi ang tagalagay ng mga video camer sa iba’t ibang silid dito sa hotel. Kaya minsan, nakakakuha kami ng mga scandal ng mga bisita dito.”
“Putang ina niya!”
“Kaya nga po sir, dapat magawan na po ng paraan iyang si Nestor. Hindi lang po kayo ang masisisra. Pati ang reputasyon ng buong hotel.”
“Alam mo ba kung saan nakatira yan?”

Hindi naman umimik si Dale.

Tila nagdadalawang isip kung ano ang sasabihin sa binata.

“Sir. Pag sinabi ko po sa inyo kung saan nakatira si Nestor, magreresign na po ako. Natatakot din ako sa kung anong puwedeng gawin sa akin ng lalaking yan. May pamilya po akong pinapakain, sir.” Pagsusumamo ni Dale.

Napangisi si Alo. Kumuha ito ng isa pang baso at nilagyan agad ng yelo at alak.

“Relaks ka lang pre. Heto oh! Inom ka muna.”

Iniabot ni Alo ang alak at kinuha naman ito ni Dale.

“Hindi ka puwede magresign.”
“Pero sir…”
“Ako bahala sayo. Nakuha mo na ang tiwala ko. At kakailanganin kita.”

Napainom naman si Dale habang pinapakinggan si Alo.

Inubos niya ang alak na parang hindi napapaitan sa kanyang nalalasahan.

“Natatakot po ako para sa buhay ko at ng pamilya ko sir Alo.”
“Sabi na ngang ako bahala sa iyo eh. I will double your pay and make sure na protektado ka at ang iyong pamilya.”
“Ano pong gagawin ko sir?”
“Madali lang. Ikaw ang magiging mata at tenga ko dito sa hotel. Babantayan mo ng maigi ang kabilang penthouse, lalong lalo na si Nikki. Wala na akong tiwala sa kanya.”
“Tapos, isusumbong ko lang sir? Tama po ba?”
“Tama. Isusumbong at agad mo lang itatawag sa akin.”
“Sige sir, payag po ako. Maaasahan niyo po ako.”
“At siyempre, poprotektahan mo ang penthouse ko. Ikaw ang magiging personal security ko.”
“Okay po. Pero paano po?”
“Ako na bahala, magpapasabi na ako sa kanila.”
“Okay po.”

Agad namang napakalma ni Alo si Dale.

Muling binuhusan ng alak ang baso ng binata.

“But, first things first… Saan nakatira si Nestor?”
“Hmmm... Sa San Joaquin…”

Saglit na tumahimik si Alo at ininom ang natitirang alak na nasa kanyang baso.

“Matagal na po silang nasa San Joaquin…”
“Isulat mo ang kumpletong address.”
“Sige po.”

Ayaw na sanang balikan ni Alo ang bayan na iyon, ngunit wala siyang magagawa.

Kailangan niyang mahuli si Nestor at pilit na dadaanin sa pakiusap.

At…

Gusto na rin niya malaman ang katotohanan sa nangyari sa isang batang hinampas niya ng surfboard.


---------------------------------------------------------------------


Tahimik na naghihintay si Angie sa loob ng kanyang sasakyan.

Pilit na inaaninag sa dilim ang kanyang hinihintay na bisita.

Maya-maya ay kinuha nito ang isang kaha ng sigarilyo. Kumuha ng isa saka nito sinindihan.

Bahagyang binuksan ang salamin ng kanyang kotse at pinalabas doon ang ibinugang usok.

Tila maraming gumugulo sa kanyang isipan.

Hindi niya alam kung saan magsisimula sa kanyang mga pinaplano.
At kahit anong pag-iwas nito sa kanyang nakaraan, ay di sadyang bumabalik sa kanya ito.

Panay ang hithit at buga nito sa kanyang sigarilyo.

Panay din ang tingin nito sa kanyang orasan at tila naantala naman ang mga bisitang kanyang inaabangan.

Maya-maya ay may lumapit na tatlong lalaki sa kanyang sasakyan.

Agad nitong tinapon ang sigarilyo sa labas ng bintana, at hinatak papataas ang lock ng pintuan.

Pumasok ang tatlong lalaki sa kanyang kotse.

“Late? Kahit kailan…” Saad ni Angie.
“Hindi ka manlang mangangamusta? Pagagalitan mo pa kami.”

Agad namang ibinaba ng babae ang handbreak at inilagay ang kambyo sa drive position. Inikot ng bahagya ang manibela upang makabuwelo.
Hindi naman nito sinasagot ang lalaki.

Tila wala siyang kasama sa loob ng sasakyan at patuloy lamang ito sa pagmamaneho.

“Hindi mo ba tatanungin kung nakakain na kami?”
“Oo nga naman… Nagugutom na po kami ma’am…”
“Ganyan lang talaga iyang si Angie… Hehehe…”
“Nagtataka nga ako bossing kung bakit ka kinontak ulit niyan ehhh…”
“Hmmm… Yun din ang naisip ko mga pare… Bakit nga ba? Bakit mo ako tinawagan? Hindi ba’t kinakahiya mo ako?”

Tila napikon naman si Angie at biglang tinapakan ang break. Halos sumubsob ang mga lalaki nang magbreak ang magandang babae.

At walang anu-ano’y inikot ang manibela at biglang kumaliwa papasok sa u-turn slot.

Napakapit naman ang mga lalaki sa kanilang upuan at ang taong nasa tabi ni Angie ay dumikit ang mukha sa salaming nasa pintuan.

Dinig na dinig ang pagpihit ng gulong at break sa ginawang iyon ni Angie.

“Putang ina!!!”
“Tang ina! Papatayin mo ba kami?”

Panay ang mura ng mga lalaking nasa loob at halos magkauntugan ang mga ito.

Hindi pa rin kumikibo si Angie at biglang ipinasok ang kanyang sasakyan sa isang gas station at nagpark sa tapat ng isang fast food chain.

“Waaaaaaaahhhhhhhhhh!!!!!” Sigaw ng lalaking nakaupo sa harapan dahil sa pagpapark ni Angie na parang sasabit sa mga katabi nitong kotse.

Saktong sakto namang nakapasok ang magandang babae at wala itong nasagi sa anumang katabing sasakyan.

“Putang ina! Putang ina! Putang ina! Kailan ka ba mag-iingat ha!?” Dugtong ng matanda habang pinapagalitan si Angie.

“Baba!”  Maikling saad ng magandang babae.

“Puta! Parang nasusuka ako pare.”
“Sabi nang baba eh!”

Mabilis na kumilos ang mga lalaki na nakaupo sa likuran at bumaba ng sasakyan. Ang isa ay para namang nahihilong naglakad papalabas ng kotse.

“Yang ugali mong yan ang papatay sayo Angela! Kailan ka ba magbabago?” Muling saad ng lalaki na kanyang katabi.

“Eh di ba gutom kayo? Nakakahiya naman kung ginugutom ko kayo…” Saad ni Angie saka hinatak papataas ang handbreak. Pinatigil ang makina at tinanggal ang susi, saka ito bumaba ng sasakyan.

Naiwan sa loob ang lalaki at napailing na lamang sa ginawa sa kanila ng magandang babae.

Sinundan ng tingin si Angela habang pumapasok sa loob ng isang fast food.

Hinihintay naman siya ng dalawang lalaking nauna nang lumabas ng sasakyan at tila takot na takot na sumunod kay Angie. Sumisenyas pa ang mga ito sa matanda na lumabas na rin ng kotse.

Muling napailing ito at nagpasyang bumaba na ng sasakyan ni Angie.

Inilock ang pintuan at nagsimulang maglakad papunta sa fast food chain na pinasukan ng magandang babae.

Naabutan ng tatlo na nagkakape at nakaupo si Angie. Alam na nilang dapat sa kabilang lamesa sila uupo at hndi sasama sa magandang babae.

Nakatalikod ang matandang lalaki sa kanya, at nakaupo ng papaharap sa kanya ang dalawa pang lalaki.

“Umorder na ako. Hintayin niyo na lang ihanda sa inyo.” Mahinang saad ni Angie.

“Wala kang galang… Kahit ano pa man ang nangyari sa atin, dapat mo pa rin akong igalang.” Saad ng matandang lalaki.

Napayuko na lang ang dalawang lalaki na nakaupo sa kanyang harapan.

“Ano ba yang pinagsasasabi mo? Bayad kayo sa trabahong ito.” Saad ni Angie sabay higop ng kape.

“Para lang sa ikakapanatag ng loob mo, hindi ko kinuha ang pera mo. At ang dalawang ito lamang ang nagwithdraw ng down payment.”

Napatawa na lang si Angie at isinuot ang shades na hawak-hawak.

“Angela. Pumunta ako dito para sa iyo. Hindi ko alam kung bakit mo ako tinawagan, at nag-aalala ako sayo.”

“Hired killer po kayo. At yun ang kailangan ko sa inyo. Wala nang iba pa.”

Napabuntong hininga ang matandang lalaki nang marinig ito mula sa babae.

“Anak…” Mahinang bulong.

“Stop it… Nagkasundo na tayong hindi mo na ako tatawagin ng ganyan.” Biglang putol ni Angie.

“Matanda na ako… Wala na akong ibang makakasama sa buhay… Patay na rin ang nanay mo… Tanging ang vulcanizing shop ang pinagkakaabalahan ko…”

“Katulad ng sinabi ko… Wala pong magbabago… Walang magbabago… Tapusin ninyo ang trabahong pinapagawa ko, babayaran ko kayo ayon sa napagkasunduan, uuwi kayo at lalayo sa akin at magpapatuloy ang buhay.”

“Pero, anak… Angela…”

“Hintayin niyo na lang po ang pagkain ninyo. Tapos na ako magkape. Doon na lang ako sa sasakyan maghihintay.” Saad ni Angie at agad na tumayo at lumabas ng restaurant.

Sumimangot naman ang matanda saka yumuko. Pinipigil nito ang pagluha dahil hindi pa rin siya mapatawad ng kanyang anak.

Maya-maya ay dumating na ang pagkaing inorder ni Angie. At agad na pinagsaluhan ng tatlo dahil na rin sa kanina pa kumakalam ang kanilang sikmura.


----------------------------------------------------------------------------


Kinabukasan ay maagang gumayak si Andrea at umalis ng penthouse.

Tulog pa ang mga kasamahan nito sa kanilang silid, kung kaya’t nagpasya itong magjogging.

Nagstretching muna ang magandang babae bago ito nagsiimulang tumakbo.

Damang-daman ni Andrea ang lamig ng simoy ng hangin na nagmumula sa dagat.

At kahit na nakamakapal itong jacket at jogging pants ay nanginginig pa rin siya sa sobrang ginaw.

Lalo niyang binilisan ang kanyang pagtakbo sa may pampang.

Gusto niyang magrelaks ng sandali ang kanyang utak sa kakaisip kung papaano makakatakas sa kanyang halimaw na asawa.

At malaki naman ang kanyang tiwala sa kung anumang plano ni Alo.

Umabot ng halos tatlompung minuto ang ginawang pagtakbo ni Andrea.

Sandali itong tumigil habang hinahabol ang kanyang hininga. Nakalapat ang dalawang kamay sa kanyang tuhod habang pinakikiramdaman ang sariling paghingal.

Dahan dahan niyang iniangat ang kanyang mukha at tinanaw ang ganda ng tanawin.

Tuluyan nang lumiliwanag at sinilip nito ang kanyang relo upang tignan ang oras.

Halos alas-sais y media na ng umaga.

Sinimulan niya ulit tumayo at mabagal na tumakbo sa tabi ng dagat.

Maya-maya ay may napansin siyang lalaki na nagsusurf.

Sinasabayan nito ang paghampas ng alon.

Hanggang sa papunta na ito sa kanyang direksyon at namukhaan na ang lalaki.

Tumigil sa pagtakbo si Andrea at tila hinintay ang lalaki.

Pagkababa ni Alo sa surfboard ay agad nitong nilangoy patungo sa pampang.

At nang hanggang baywang na lamang ang tubig ay nagsimula na siyang maglakad.

Pinupunasan ng kanyang kamay ang tubig na bumababa sa kanyang mukha.

Iniayos ni Alo ang kanyang shorts dahil sa medyo bumaba ito nang humampas kanyang katawan ang alon.

“It’s good to see you again, Andrea.” Saad ni Alo.

Binuhat nito ang kanyang surfboard saka isinaksak ang dulo nito sa buhangin.

“I guess you have been busy?” Bungad ni Andrea.
“Yes, I am. Well infact, I have been very busy with the hotel.”
“That’s good to know.”

Nginitian naman ng binata ang napakagandang si Andrea.

“Well, I am just hoping na marami ka nang naisip na plano.”
“Don’t worry Andrea, I just need to tie up some lose ends.”
“What do you mean?”
“May kailangan lang akong ayusin along the way… then we can proceed.”
“Bilisan mo lang, dahil naiinip na ako.”
“Okay… Pagtapos ng araw na ito, may resulta na yung gagawin ko. I promise you that.”
“Just make it fast. Nakakuha na ako ng pagkakataon na patagalin ang stay namin dito sa hotel ninyo. And please make a concrete plan. I’m not a fan of surprises.”
“Sige. That’s good news. I need you to buy more time, hangga’t hindi ko ma natatapos itong gagawin ko ngayon. I’ll make sure na within this week, makakaalis na kayo ni Nikki at magiging malaya na kayo kay ninong.”
“In all honesty, I don’t want to stay here any longer. Pero sige, I will give you a chance. After this, makakabawi ka na sa mga kasalanan mo sa akin.” Saad ni Andrea.

Natahimik naman si Alo nang marinig ito mula sa magandang babae.

“I have to go. Baka gising na sila.”
“Okay…”
“Good luck. Sana matapos mo yang sinasasabi mong gagawin mo. I have high hopes on you Alwyn.”
“I got this. Don’t worry.”

Nginitian muli ni Alo ang babae ngunit agad siyang tinalikuran nito.

Muling tumakbo si Andrea pabalik ng hotel.

Samantalang naglakad naman papauwi si Alo at maghahanda na ito sa kanyang gagawin buong araw.


-----------------------------------------------------------------



Alas-otso ng umaga nang umalis ng Baler si Alo.

Agad nitong hinanap ang bahay ni Nestor mula sa address na nakuha niya mula kay Dale.

Iniisip nito na sana ay magtagumpay ang kanyang mga plano para sa lalaki.

Dapat niya muna itong ayusin, upang masimulan ang plano na gagawin para kay Andrea at Nikki.

At lalong ayaw niyang mapahamak at mailagay sa alanganin ang buong hotel nang dahil lamang sa panggugulo ni Nestor.

Habang nagmamaneho si Alo ay bumabalik sa kanyang ala-ala kung papaano siya dito idinala ng kanyang ama.

Ito ang unang lugar na napuntahan nila mula nang manggaling sila sa Australia.

Ipinagmalaki pa ng kanyang ama ang mga pagbabagong naganap, mula noong bata pa siya, hanggang sa bumalik sila sa Pilipinas.

Pero ngayon, ibang klase ang kanyang pagbabalik.

Ito ay upang hanapin ang lalaking maaring makasira sa kaniya, sa kaniyang ama at maging sa kanilang negosyo.

Iniisip na lang nito ang gulong maaring maibigay ni Nestor, kapag nalaman ng mga hotel guests na may nakasetup na video camera sa bawat kuwarto.

Puwede silang makasuhan na siyang ikakabasak ng buong hotel.

Kaya’t desidido si Alo sa kanyang gagawin.

Kakausapin niya ng masinsinan si Nestor at babayaran ng higit na malaking halaga kung kinakailangan.

Basta’t maiayos lang niya ang lahat at makuha ang natitirang kopya na nasa kanya.

Nang makarating na siya sa berdeng gate na may katulad na numero ng tirahan, ayon sa nakasulat na address sa isang maliit na papel, ay agad ipinarada ni Alo ang kanyang sasakyan.

Nagtayuan naman ang mga tao na nakatambay sa harap ng bahay nila Nestor.

Kahit maaga pa lang ay mga nag-iinuman na ang mga ito.

Ayaw mang lumabas ni Alo sa kanyang sasakyan ay tinatagan nito ang kanyang loob upang harapin ang lalaki.

Pagkalabas ng kotse ay isinuot nito ang kanyang shades, saka lumapit sa gate nina Nestor.

Nagsimula itong kumatok at tinatawag ang kanyang pangalan.

Hanggang sa may lumabas mula sa pintuan ng kanilang bahay, na siya namang nagbukas ng gate.

“Kita mo nga naman… Ako pa ang binisita ng dati kong boss… Hehehehe!!!” Bungad na bati ni Nestor.

Ibinaling ni Alo ang kanyang paningin at pinipigilan nito ang kanyang sarili na magalit sa lalaki.

“Anong kailangan mo… Sir Alwyn?”
“Gusto kitang kausapin…”
“Wooooh kausapin… Anong meron?”
“Hihintayin kita sa sasakyan…”
“Hah!” Anong akala mo sa akin? Tanga? Eh paano kung may gawin ka sa akin? Paano kung patayin mo rin ako?”

Tinanggal ni Alo ang suot-suot na shades at tumingin kay Nestor.

“Dalhin mo ako sa puntod ng kapatid mo.” Utos ng binata.

Natahimik naman ang lalaki at tinignan si Alo mula ulo hanggang paa.

“Sandali lang.” Maikling saad ni Nestor.

Pumasok ito ng bahay at iniwan ang binata sa labas.

Napakamot na lang si Alo habang hinihintay sa initan ang lalaki.

Maya-maya ay lumabas muli si Nestor at kinakandado ang kanilang bahay.

Saka naman ito tuluyang lumabas ng gate at isinara ito mula sa labasan.

“Tara.” Saad ng lalaki.

Sumunod naman si Alo sa kanya at binuksan ang pintuan ng sasakyan.

Agad silang sumakay sa kotse at pinaharurot ito ng binata.

“Pinapatay ka na ba ng konsensya mo sir?” Tanong ng lalaki.

Hindi naman sumasagot si Alo at patuloy ito sa pagmamaneho.

“Iba talaga pag mayaman ka eh noh? Kapag may gusto kang gawin, sasabihin mo lang, at makukuha mo na.”

Maya-maya ay kumuha ng sigarilyo mula sa kanyang bulsa si Nestor.

“Hindi ka puwede magsigarilyo sa loob ng kotse.”
“Hehehe… Isa lang pare… Isang yosi bago mo ako patayin.”
“Paano mo naman naisip na papatayin kita?”
“Tama ka… Hindi nga namin inakala ni ihahampas mo kay utol ang surfboard na iyon.”

Hindi nagpaawat si Nestor at agad sinindihan ang sigarilyo.
Pinindot naman ni Alo ang bukasan ng salamin ng bintana upang makalabas ang usok.

“Nasaan na tayo?”
“Malapit na sir… Relax ka lang, ituturo ko sa inyo… Hehehe…”

Kahit na galit nag alit na si Alo ay pinipigilan nito ang kanyang sarili.

Gusto niyang madaan sa mabuting usapan, at mapakiusapan si Nestor.

Kaya’t nagpatuloy na lang ito sa pagmamaneho habang tinitiis ang usok na binubuga ng lalaki.



----------------------------------------------------------------



“Angie, lumabas yung target at sumakay sa isang kotse. Nakasunod na kami sa kanila ngayon.” Saad ng matandang lalaki sa kausap nito sa cellphone.

Binibigyan ng tagubilin ni Angie ang tatlong lalaki at pinapamasid nito si Nestor.

Sinusundan nila ang isang puting kotse, kung saan nakasakay ngayon ang lalaki.

“Ano pala gagawin namin sa kasama niya?” Tanong muli ng matandang lalaki kay Angie.

At nang naintindihan na nito lahat ng instructions ng magandang babae ay ibinaba na nito ang kanyang telepono.

“Ano po bossing? Susundan lang ba natin sila?”
“Oo. Sundan mo lang yang mokong na iyan.”
“Kailan ba natin siya titirahin bossing?”
“Wala pang sinabi si Angie. Basta sabi sundan lang daw muna.”
“Ayos. Eh paano yung kasama niya? Mukhang may kasabwat pang mayaman itong lalaki ahh..”
“Baka benefactor? Hahahaha!”
“Mga ungas! Ayusin ninyo ang trabaho para matuwa sa atin si Angela.”

Nagtinginan naman ang dalawang lalaki na nakaupo sa harapan.

Habang ang matandang lalaki ay nagyoyosi at nakaupo sa likuran.

“Bossing… Magpapaiwan po ba kayo dito kasama ng anak ninyo?”
“Oo nga bossing… Baka iwan niyo na kami sa ere… Magugutom kami niyan.”

Saglit na tumahimik ang matandang lalaki at panay ang hithit-buga nito sa kanyang yosi.

“Magsitigil kayo diyan… Tignan ninyo at mukhang paliko na yung puting kotse mga ungas!”

Agad naman lumiko ang kanilang sasakyan habang nakasunod sa kotseng sinakyan ni Nestor.

“Puta! Pare sementeryo ito ah!”
“Hahahah! Mukhang alam na ni mokong na dito rin siya papunta…”
“Mga ungas! Wala pang sinabing papatayin natin ang mga yan.”
“Okay bossing… Sabi niyo eh…”

Nagpatuloy lamang sila sa pagsunod sa kotse, at nang nakita nilang nagpark ito sa may tabi ng musileo, ay ipinarke na rin nila ang kanilang sasakyan sa medyo malayong lugar.

“Kayo na ang bahalang dalawa. Dito ko na kayo hihintayin sa kotse.”
“Sige bossing.”

Agad namang lumabas ang dalawang lalaki at sinundan si Nestor, maging ang kasama nito.


-----------------------------------------------------------------


“Malayo pa ba?”
“Relax ka lang sir Alo… Malapit na tayo sa puntod ng kapatid ko.”

Patuloy na naglalakad sa initan ang dalawa habang hinahakbangan ang ibang puntod sa sementeryo.

Tahimik ang buong lugar at damang-dama ang malakas na hangin dito.
Wala silang nadaanang tao at tila nasa kasuluk-sulukan ang puntod ng kapatid ni Nestor.

Maya-maya ay nakarating sila sa medyo madili na parte ng sementeryo.

“Naandito na tayo sir Alo.”  Saad ni Nestor.

Hindi naman malaman ni Alo kung saan mismo nakalagak ang bangkay ng kapatid nito, dahil sa patung-patong na mga puntod.

“Saan diyan?”

“Pasensya ka na sir Alo. Naka apartment kasi itong puntod ng utol ko, kaya ganito, patong-patong…”

Tila kinikilabutan naman ang binata sa kanyang paligid.

Saglit itong tumahimik habang ginugunita niya ang nangyari noon sa may tabing dagat.

“Hindi ko alam ito, Nestor. Kung alam ko lang…”
“Wala ka nang magagawa… Patay na ang kapatid ko…”
“Bakit hindi mo sinabi sa akin? Sana nagawan pa natin ng paraan.”
“Huh! Para saan pa? Hindi ba’t pinagtakpan na ng ama mo ang lahat ng nangyari noon?”
“Si Daddy?”
“Binayaran niya ang pamilya namin. Kinuha niya rin ako sa trabaho.”
Naguguluhan naman si Alo sa kanyang mga nalalaman mula kay Nestor.
“Ganyan naman kayong mayayaman… Lahat kaya ninyon bayaran…”
“Hindi ko ginustong mangyari ito sa kapatid mo…”
“Alam kong mali si utol na pagtripan ka at kuhanin ang mga bagay na hindi sa kanya… Pero mali din naman ang ginawa ninyong paghampas sa ulo niya, na halos buong buhay niya pinagdusahan.”
“Patawarin mo ako… Patawarin ninyo ako… Alam kong napakarami kong nagawang pagkakamali sa nakaraan…”
“Kung puwede nga lang kalimutan, nagawa ko na… Pero hindi sir Alo… Bawat iyak niya sa gabi na masakit ang ulo niya, at bawat araw na wala akong pero na pampagamot sa kanya, ang tanging nakatanim si isip ko. Ngayon na ang pagkakataon kong maningil.”
“Kung gusto mong gumanti… Gawin mo na… Walang tao dito Nestor, puwedeng-puwede mo ako patayin dito… Lubayan mo lang ang pamilya ko at ang hotel.”

Lumuhod si Alo sa harapan ni Nestor.

Nakatingin naman sa kanya ang lalaki at tila tatawa-tawa pa ito sa ginagawa ng binata.

Tila hindi matahimik ang konsensiya ni Alo sa isiniwalat sa kanya ni Nestor.

Tila nadurog ang puso nito habang iniisip ang ginawang niyang paghampas ng surfboard sa kapatid nito.

Ipinikit nito ang kanyang mga mata at hinihintay na lamang ang gagawin pagganti ng lalaki.


-------------------------------------------------------------------------


“Bossing… Mukhang nagdadrama pa itong dalawa ehh… Ano na po ba ang gagawin namin?” Saad ng isang lalaki habang kausap ang kasamahan nilang naiwan sa loob ng sasakyan.

Naghihintay lang din sila sa kung anong sasabihin ni Angie.

At nang nabigyan na sila ng GO signal, ay ibinaba na nito ang kaniyang cellphone.

“Okay na pare…”
“Ayos! It’s showtime!”

Agad na kinuha ng dalawa ang kanilang mga baril at unti-unting nilapitan si Nestor at ang kasama nito.

“Taas ang mga kamay!”

Nagulat naman sina Nestor at Alo nang may lumapit sa kanilang dalawang lalaki at tinutukan sila ng baril.

“Anong ibig sabihin nito?” Tanong ni Alo.

Nanlaki ang kanyang mga mata at hindi nito alam ang gagawin.

Hindi naman sila makatakas dahil sa nakabalandrang patung-patong na mga puntod.

“Pasensya na napag-utusan lang…Hehehe…”
“Sige na pare, kunin mo na yung isa. Ako na bahala dito kay Nestor.”

Nagulat naman ang lalaki at kilala siya nito.

“Sino nag-utos sa inyo? Bitiwan ninyo ako…”
“Hindi mo na kailangang malaman pare… Buti nga hindi ka namin dito tinumba sa sementeryo eh… Hehehehe…”

“Bitiwan ninyo ako!” Malakas na sigaw ni Alo.

Patuloy sa pagpupumiglas ang binata at tila nahihirapan ang isang lalaki na itali ang kanyang mga kamay.

“Pare tutuluyan ko na ito! Ang kulit!”

“Hahahaha! Ikaw na bahala diyan. Hindi naman natin kailangan yang mokong na iyan eh… Ang mahalaga madala natin si Nestor kay bossing.”

Agad na natalian sa kamay si Nestor at sumama ito sa lalaking humihila sa kanya.

“Ugggh!” Mahinang pagdaing ni Alo.

Hinampas siya ng isang lalaki ng baril sa kayang bandang batok at ulonan.

Agad itong napahandusay sa taas ng tinatapakang puntod.

Hindi naman siya iniwan ng lalaki at binuhat nito at binitbit sa kanyang balikat.

“Hello, bossing… Papunta na kami diyan. Mission accomplished. Hehehehe…”


--End of Chapter 8--

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.