Thursday, November 28, 2013

Kabilang Mundo (part 15)


by Fiction-Factory


(Kapitulo Kuarienta)

Hindi na namin alam ang eksaktong oras sa mga sandaling ito pero alam kong malalim na ang gabi dahil sa taas ng sikat ng buwan.

Basang-basa kami ni Tony.
Nagpupupulot siya ng mga tuyong sanga at tuyong dahon at kanyang inipon sa isang tabi, sa tabi ng isang puno na napapaligiran ng malalaking bato.

Inilabas niya ang lighter niya, ang luma at palyadong lighter niya na lagi niyang ginagamit sa paninigarilyo.

Tinititigan ko ang lighter niya, lagi ko yung nakikita pero parang iba ang epekto sa akin ngayon, para bang nakita ko na 'yon sa kung saan.
Ang naaaninag ko sa aking imahinasyon ay parang nakasalubong ko si Tony at muntik na kaming makabungguan habang pinipilit niyang sindihan ang lighter niya, pero hindi ko matandaan kung saan ko ito eksaktong nakita. (see previous parts)

"Teka, nabasa na ang lighter mo ha! Gagana pa ba yan?!"
tanong ko kay Tony.

Pilit niyang tini-trigger ang lighter niya ngunit kahit spark man lang ay wala.

"Kakaiba ang lighter ko Maita. Ito ay isang American Zippo Lighter, kahit mabasa ito ay gagana pa rin, hintayin lang nating matuyo."

"Ah talaga Tony?! May gano'ng lighter pala?"

"Oo naman. Kahit nga umuulan ay nasisindihan ko parin ang lighter na ito eh."
sagot niya.

Tama nga siya, dahil ilang saglit lang ay nagka-spark na hanggang masindihan na nga niya ang kanyang lighter.
Pinaapoy niya ang siga at patuloy niya itong ginagatongan, habang ako ay umupo at itinutok ang mga palad ko sa apoy.

Nanlaki nalang bigla ang mga mata ko nang bigla siyang tumayo at bigla nalang naghubad ng damit.
Nakaramdam pa ako ng pagkahiya sa sarili ko.
Kumuha siya ng matibay na sanga at itinusok ito malapit sa apoy, atsaka niya isinampay ang basa niyang damit para agad matuyo.
May pagka-boyscout talaga siya.
Ang sumunod niyang ginawa ay ang talagang ikinagulat ko.
Tumayo siyang muli at ngayo'y kinakalas niya ang sinturon ng pantalon niyang itim na maong.

"O teka! Anong ginagawa mo?!"
pagpipigil ko sa paghuhubad niya.

"Hindi mo ba nakikita? Naghuhubad. Kailangan mo ring gawin ito para matuyo ang damit mo."
sabi niya at nagpatuloy sa ginagawa hanggang mahubad na niya ang pantalon niya.

Ako naman, heto, biglang namula ang mukha nang maaninag ko ang puti niyang brief. Napatalikod nalang ako bigla sa kanya.

"Hahaha bakit? Nahihiya ka ba Eba? Ba't mo kasi kinain ang prutas na 'yon?"
pang-aasar pa niya at halos mamatay sa kakatawa.

Sabi ko sa sarili ko na hinding-hindi ako maghuhubad sa harapan ng lalaking ito.
Biglang tumahimik ang paligid mga ilang sandaling lumipas.
Paglingon ko, nakita ko si Tony do'n sa malayo, sa gilid ng waterfalls, may hawak na sanga na ginawa niyang sibat, nanghuhuli siya ng isda gamit ang estilo ng mga sinaunang tao.
Biglang nag-init ang magkabila kong tenga at halos mamatay ako sa hiya ng mapansin ko ang mahabang nakalawit sa harapan niya.

"Ano bang iniisip ng lalaking ito? Bakit siya naghubad ng ganito?"
ang paulit-ulit na tanong na nabubuo sa isip ko.
Nagmukmok nalang ako at tumalikod sa kanya. Kung ano-ano ang sumasagi at naglalaro sa isipan ko. Loko-loko rin pala si Tony, pakiramdam ko mas lalo ko pa siyang minamahal minahal, maginoo pero medyo bastos. Hindi ko mapigilang hindi mapangiti, parang talaga akong teen-ager na kinikilig-kilig sa pag-ibig.

Bigla kong narinig si Tony na nagsalita sa likod ko, tinatawag ang pangalan ko.

"Maita... Maita!"

Ayokong lumingon, ayoko siyang makita sa ganoong ayos niya.
Nakakapangilabot.

"Maita, maghubad ka na at magpatuyo ng damit. 'wag mo ng itago sa'kin ang birthmark mo sa puwet."
nagulat ako sa sinabi niya. Paano niya nalamang may balat ako sa puwet?"

"Paano mo nalamang-- binobosohan mo 'ko noh?!"
naiinis na ako sakanya pero ayoko paring lumingon.

"Hahaha Hindi ba nasabi ni Maya sayo? Hindi mo ba 'ko narinig sa sinabi ko kahapon?"
panay pa ang tawa niya.

Pumikit ako at tinakpan ko pa ng mga kamay ko ang mga mata ko nang maramdaman kong papalapit siya papunta sa harapan ko.

"Hubo't-hubad ka noong mga panahong kaluluwa ka. Hahaha"
nakakainis niyang sambit.

Naalala ko na 'yung sinabi niya kahapon, na minsa'y nabanggit nga sa akin ni Maya, hubo't-hubad daw kami noong mga panahong kaluluwa pa kami. Pero kakaiba na ngayon dahil mulat na mulat na ako at buhay na buhay.

"Ano ka ba, tumingin ka nga sa 'kin Maita!"

Pilit niyang tinatanggal ang mga kamay ko na pilit ko namang pinipigilan.

"Ano ba Tony! Wag ka ngang--"

Hindi ko parin siya kinaya dahil mas malakas pa rin siya sa akin.
Natanggal tuloy ang pagkakatakip ng mga kamay ko at napamulat ako.

Akala ko'y hubo ko siyang makikita pero salamat nalang at nagtapis pala siya ng dahon ng saging.

"Kailangan mong magpatuyo dahil baka magkasakit ka pa. O heto, gamitin mo."
nasabi lang niya sabay abot sa mga dahon ng saging para sa akin.

Lumayo na siya sa'kin at inihaw niya na ang mga nahuli niyang isda.
Wala naman akong magawa kundi maghubad at magpatuyo ng damit.
Para kaming sina Adan at Eba sa gayak namin.

Umupo ako sa tabi niya, pinagmamasdan ko ang mga mata niya kung titingin ba siya sa katawan ko o hindi, pero mukhang maginoo naman siya talaga.

Iniisip ko tuloy kung pinagmasdan ba niya ang katawan ko no'ng mga panahong kaluluwa ako. Bakit nga ba wala akong maalala? Baka pinagsawaan niya na ng tingin noon ang katawan ko.
Sabagay, may ibubuga din naman ako. Kaakit-akit din naman ako.

"Tony, pasensiya ka na pala kanina--"

"Sshhhh..."
pagkontra niya sa sinasabi ko.

Umusog siya sa akin, medyo nahiya pa ako nang magkadikit ang mga balikat namin, pero hindi ako umiwas, nakikirandam lang ako.

"'wag mo ng alalahanin 'yon, ang importante ligtas ka, ligtas tayong dalawa"
malamlam niyang sabi kasabay ng pag-akbay ng kamay niya sa akin, sa balikat ko.

Hindi ko alam kung yayakap din ba ako sakanya o mananatiling tahimik, hindi ko masabing gusto ko ang pag-akbay niya pero hindi ko rin masabing ayaw ko.

Iniabot niya sa akin ang naihaw niyang isda at sabay kaming kumain.
Napaka-romantic, kaming dalawa lang at magkasamang kumakain sa ilalim ng maliwanag na buwan.

Napakatahimik ng gabi.
Hindi ko matukoy kung may mangyayari ba sa amin ngayong gabi, o may hindi dapat mangyari o may hahayaan akong mangyari. Pero sa loob-loob ko ay gusto kong may mangyari, hinihiling kong may mangyari nga, gusto kong maramdaman ng aktwal ang pagmamahal niya para sa akin, bago man lang may isang mawala sa aming dalawa, bago man lang ako mamatay.

Kung ano-ano na ang naiisip ko, pero talagang napaka-maginoo nitong si Tony.
Kahit solong-solo niya na ang pagkakataon ay hindi parin niya ako pinagsamantalahan, kahit kaming dalawa lang ang nasa kadiliman ng bundok na ito.
Tumayo siya at naglakad papalayo sa akin.

"Magpahinga ka na Maita, maaga pa tayo bukas."
nasambit lang niya.

"Maya-maya na, hihintayin ko munang matuyo ang mga damit ko."

Hindi na siya sumagot at nagpatuloy na siya sa paglalakad.
Hindi ko narin siya inusisa kung saan siya pupunta, pero bigla nalang akong nakadama ng kalungkutan. Parang kakaiba ang kinikilos niya ngayon, parang hindi siya ang kilala kong Tony Preacher.

Mga ilang sandali lang ay natuyo kaagad ang mga damit namin, at sa sandaling iyon ay parang napakatagal namang wala ni Tony, hanggang ngayon ay hindi parin siya nagbabalik.

Nagbihis agad ako at pagkatapos ay sinundan ko si Tony sa direksyon kung saan siya nagdaan para sabihing tuyo na ang mga damit niya at para makapagbihis na siya, at dahil narin nag-aalala na ako para sa kanya.

Pagkalagpas ko sa isang napakalaking bato na lampas-tao ang taas ay nakita ko si Tony na nakaluhod sa tabi ng isang puno, nakatalikod siya sa akin kaya hindi niya ako nakita.
Lalapitan ko na sana siya ngunit narinig ko nalang ang biglaan niyang pag-iyak.
Napakasakit ng pag-iyak niya habang may kung anong inuukit siya sa puno gamit ang punyal niya.

Maging ako ay nadadala at nalulungkot din sa pighati ng pag-iyak niya, parang may pinagdadaanan siya, masyadong emosyonal, hindi ordinaryong gawain ng isang lalaki.

"May kapalit ka na sa puso ko..."
bigla siyang nagsalita.

Parang may kinakausap siya, pero wala naman siyang kasama.
Patuloy lang siya sa pag-uukit habang patuloy na nagsasalita.

"Ngayon, handa ko ng palayain ang sarili ko sa iyo. May mahal na akong iba, ngunit mananatili pa rin ang ala-ala mo sa puso ko."
patuloy niya.

Hindi ko maintindihan ang pinag-sasabi niya, ngunit sa tema niya ay nakikita ko ang dating pag-ibig niya.
Nahahabag ako sa kanya, namamangha at kumikirot ang puso ko.
Nakaka-touch naman talaga.
Nakakakilig makita ang mga taong tulad niya na pinapahalagahan ang pag-ibig.
Isa siyang tunay na lalaki na nagpapaalam pa sa dati niyang pag-ibig bago niya muling buksan ang panibagong pag-ibig.

Napakaswerte ng babaeng minahal niya noon, at napakaswerte ko na minamahal niya ngayon.

Hindi ko na siya inabala sa kanyang pag-iisa at bumalik nalang ako sa tabi ng siga.
Nagmumukmok habang pinagmamasdan ang kalangitan.
Sa mga bituing ito, ilan na kaya ang inibig ng buwan, ilan kaya ang pinaluha niya at pinasaya?
Sa ilang daang taon na nabubuhay si Tony, ilang pag-ibig na kaya ang nagdaan sa kanya?
Laganap ang kalungkutan, hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko.
Ngayon lang ako nalungkot ng tunay at totoo.

(Kapitulo Kuarienta y uno)

"Maita! Maita!"

pag-gising sa akin ni Tony habang inaalog-alog ang balikat ko.

Akala ko gabi pa, pero naaaninag ko na ang liwanag ng araw.
Pagmulat ko, napayakap ako ng husto kay Tony at sabay kaming napaupo.

Nakatutok sa amin ang maraming sibat, napapalibutan kami ng mga kalalakihang ang tanging suot ay bahag, iisa lang ang hitsura at gayak nila, para silang mga katutubo ng isang tribo, maiitim, may mga balahibo ng ibon na nakatali sa kanilang mga binti, hita, braso at sa ulo, at may kung ano-anong tatak ang nakaukit sa mga balat nila, sa buong katawan nila.

Nagkatinginan lang kami ni Tony.
Natatakot na ako dahil sadyang nakakatakot ang mga hitsura nila, ang mga talim ng sibat nila ay gawa sa buto ng hayop na kanilang pinatulis, maging ang mga palakol na nakasabit sa bewang nila ay alam kong mula sa buto ng hayop.

"Ninu ikayu? Ekayu gagalo at enakayu magtangkang lumaban! O'bat atsu kayu kening sagradung lugar da reng Sirena? (Sino kayo? Huwag kayong gagalaw at huwag na kayong magtangkang lumaban! Bakit nandito kayo sa sagradong lugar ng mga Sirena?)"
nakakatakot na sigaw ng isa sa amin.

Kumunot ang kilay ko dahil hindi ko maintindihan ang lenguahe nila.

"Anong sinasabi niya Tony??x@.."

Nagkibit-balikat lang siya na parang nag-aalala din.

Gustong lumaban ni Tony, pero alam kong dahil sa akin ay nag-aalinlangan siya.
Nang sapilitan nila kaming pinatayo ay wala kaming nagawa kundi magpatali, dahil halos masugat na ang leeg ko sa nakatutok nilang sibat, gayundin kay Tony. Gamit ang baging ay tinalian nila ang mga kamay namin na nakalagay sa likuran namin.

Habang naglalakad kami ay parang kinausap ng isa ang isa pa, parang may sinasabi na hindi ko talaga maintindihan.

"Muna naqa. Sabyan mu qang Datu, atin tang adakap adwang tau, pota yapin na ila ing panayan tamu. (Mauna ka na. Sabihin mo kay Pinuno na may nahuli tayong dalawang nilalang, baka sila na ang hinihintay natin.)"

pagkasabi niya'y bigla nalang tumakbo ang kausap niya at nauna na sa amin, habang ang mga natitirang nakapalibot sa amin ni Tony ay walang humpay na nagbubulungan.

Dinala nila kami sa kanilang Tribo, sa isang lugar kung saan puro kalalakihan lang ang nakikita ko, at ang mga bahay nila ay parang pinagtagpi-tagping balat ng mga mababangis na hayop, parang mga tent.

Nakatayo at nakaabang silang lahat sa amin.
Binigyan nila kami ng daan, nagsitabi sila habang titig na titig sa aming dalawa ni Tony.

Nakakatakot talaga ang mga hitsura nila, mula bata hanggang sa matanda, ngunit wala akong nakita ni isang babae, lahat talaga sila puro mga lalaki.
Napaisip pa ako kung paano sila dumami ng ganito.

Nang maharap na kami sa kanilang pinuno ay laking gulat ko na lang nang bigla siyang tumayo sa kanyang trono at mukhang galit na galit na kinausap ang isa sa mga dumakip sa amin.

"O bat tinali yu la?! Nanung isipan yu?! O nu mong yapin talaga ila reng panayan tamu, odi mengaparusa ta ngan?! (Bakit itinali niyo sila?! Wala ba kayong mga utak?! Paano kung sila nga talaga ang mga taong hinihintay natin, edi mapaparusa pa tayong lahat?!)"

Hindi ko talaga maintindihan ang pananalita nila, at alam kong gano'n din si Tony.
Mabuti nalang at kumalma na siya at muling umupo sa kanyang trono.
Mas higit na nakakatakot ang hitsura niya, kinulayan ng itim na tinta ang buong katawan niya, o kung ano mang klase ng pangkulay ang ginamit nila, tapos may suot siyang korona na parang gawa sa bungo ng isang tamaraw, may sungay pa nga ito at may pangil din.
Ang ngipin niya ay kulay itim din, at ang mata lang ang tanging puti.

Bigla kaming nagkatinginan, napa-usog pa ako at napadikit kay Tony.
Nagsalita siya at parang kami na ang kinakausap niya.

"Ninu ikayu, at nanung gagawan yu quening lugar ayti? (Sino kayo, at anong ginagawa niyo sa lugar na ito?)"

Nakatingin lang kami ni Tony sakanya at punong-puno ng pagtataka at katanungan ang mga mukha namin tungkol sa sinabi niya. Anong klaseng mga tao kaya ang mga ito?

"Ahm.. Ginoo, pasensiya na po dahil hindi po namin naiintindihan ang lenguahe niyo"
si Tony ang sumagot.

Kumunot bigla ang kilay ng Pinuno nila, at nagkatinginan nalang sa bawat isa ang mga iba pang nakapalibot sa amin kasabay ng bulong-bulongan.

Sinenyasan ng Pinuno ang isa sa kanyang mga alagad, parang may kung anong pinapakuha, at hindi nga ako nagkamali, pagdating ng alagad niya ay may dala itong baho ng niyog na may lamang kulay itim na tubig na idiniretso niya kay Tony at iniabot.

"Inuman yu yan ba tamung mikaintindi. (Inumin ninyo 'yan para magkaintindihan tayo)"
muling nagsalita ang Pinuno na tulad kanina'y hindi pa rin namin maintindihan.

May sinisenyas sa amin ang mga katabi naming katutubo, parang pinupustura niya sa amin at inuutusan kaming inumin ang itim na tubig na ito.

"Ano kaya ito? Parang gusto nilang inumin natin."
sabi ni Tony sa akin.

"Ligtas kaya 'yan? Baka lason yan!"
sagot ko.

"Inuman yu na!! (Inumin niyo na!!)"

Nagulat nalang kami sa tindi ng sigaw ng Pinuno kasabay ng muling pagtutok ng mga sibat sa mga mukha namin ni Tony.
Wala tuloy kaming nagawa kundi uminom.
Medyo mapait ang lasa, parang dahon ng ampalaya, matapos no'n ay hinihintay ko ang epekto nito sa katawan ko, pero wala naman akong kakaibang naramdaman, pati kay Tony ay wala din namang kakaibang nangyari.

"Kami ay mga Malay na nabuhay ayon sa kapangyarihan ng Huling Witchcrafter."
muling nagsalita ang Pinuno, at sa pagkakataong ito ay malinaw na naming naintindihan ni Tony.

"Aba! Naiintindihan na po namin kayo!"
nasambit pa ni Tony sakanya.

"Tama. Dahil yan sa ininom ninyo. Ngayon, magpakilala kayo. Sino kayo at anong ginagawa niyo sa lugar na ito?"
nanlilisik na tanong niya.

"Kami po ay mga manlalakbay, at hinahanap po namin ang tinutukoy ninyo kaninang Huling Witchcrafter"
hinayaan ko lang si Tony na siya ang sumagot.

Nanlaki naman bigla ang mga mata ng Pinuno, at lalong tumindi ang bulong-bulongan.

"Tahhiimmiiikkk"
sigaw niya sa mga maiingay na bunganga.

"Ano ang kailangan niyo sa kanya?"
naging siryoso na ang pagtatanong niya.

"Kami po ay naparito para tuparin ang Propesiya niya."

Gulat na gulat ang Pinuno sa narinig niya kay Tony.

"Sabihin mo Ginoo, isa ka bang Witch?"
muling tanong ng Pinuno.

Hindi pa man nagagawang makasagot ni Tony ay may panibagong mga Malay na dumating at may dala nanamang bihag, at laking gulat namin ni Tony ng makilala namin ang mga kasama nilang bihag.
Sina Jacob at Maya! Nakagapos din sila tulad namin, iniharap din sa Pinuno at itinabi sa amin.

(Kapitulo Kuarienta y dos)

"Tony! Maita!"

"Jacob! Maya!"

halos maluha-luha kami ni Maya nang muli kaming nagkakita-kita.
Pinainom din sila ng itim na tubig.
Nakuwa pa talaga naming magkatagpo-tagpo sa ganitong sitwasyon.
Nakagapos at nakahilera.

"Hmm.. Dalawang pares ng mga tao, at mukhang magkakakilala kayo. Kunin ang kalatas ng Propesiya."
sambit ng Pinuno kasabay ng pag-utos niya sa kanyang alagad.

"Hawak nila ang ikatlong Propesiya"
wika ni Tony.

"Ikatlong Propesiya?!"
pagtataka nina Jacob at Maya.

"Oo, kahapon lang ay napadpad kami sa lugar ng mga Diwata, at inilathala nila ang Ikalawang Propesiya, at ang sabi nila'y apat ang Propesiyang iyon na hawak ng iba't-ibang nilalang. Una, kay Lola Esme, ikalawa ay sa mga Diwata at heto na ang ikatlo."
paliwanag ko.

Pagdating ng lalaki, tumayo agad ito ng diretso sa tabi ng Pinuno, tapos nakarinig nalang ako ng tunog ng tambol kasabay ng pagluhod ng lahat ng mga Malay na nakapalibot sa amin.

Binuksan ng lalaki ang kalatas at binasa niya ng malakas ang Propesiya;

"Sa kanyang pagdating, kayo'y mabubulabog. Huwag kayong palilinlang sapagka't ginabayan siya ng isang White Witch at nagnining-ning ang itim niyang buhok, at sa kanilang pagtatagpo ay nalalapit na ang aking paglathala"

pagkatapos niyang basahin ay muli niya itong inirolyo kasabay ng muling pagtayo ng mga nagsipagluhod.

"Narinig niyo ang Propesiya, ngayon sabihin niyo, sino sa inyo ang Witch?"
tanong ng Pinuno.

Napatingin kaming tatlo nina Tony at Jacob kay Maya, siya ang kaisa-isang Witch na kasama namin at maliwanag na kaming dalawa ang nasasaad sa Propesiya ng Huling Witchcrafter.

"A-ako po ay isang Witch at ako po ang nakasaad sa Propesiya."
sambit ni Maya habang nagtataas ng kamay.

"Binibini, paano mo mapapatunayan sa amin na isa ka ngang Witch, at ang Witch na tinutukoy ng Propesiya samantalang puti ang buhok mo?"
hindi makapaniwala ang Pinuno.

"Wala akong dapat patunayan. Ako ay ako."
mahusay ang pagsagot ni Maya.

"Opo. Siya po ang Witch na tinutukoy ng Propesiya."
pagkumpirma naman ni Jacob.

Pagkasabing-pagkasabi ni Jacob ay bigla nalang nagbalik ang dating kulay ng buhok ni Maya.
Mula sa pagiging puti ay nagbalik ito sa dating kulay itim kasabay ng pagtingkad ng mga mumunting kristal, parang mga glitters.

Namangha ang lahat at ngayo'y mukhang kumbinsado na, na si Maya nga ang Witch na nakasaad sa Propesiya.

"Siya na nga"

"Isa nga siyang Witch"

"Siya na ang hinihintay natin"

Napakaraming kuro-kuro at bulong-bulongan ang nag-usbungan.
Maging ang Pinuno ay gulat na gulat, at sabay-sabay silang mga Malay na nagsiluhod at nagsipag-bigay pugay kay Maya.

"Naku, magsipagtayo po kayo. Hindi po ako ang kataas-taasan para inyong luhuran"
sambit ni Maya.

"Ano pang hinihintay niyo? Kalagan niyo sila."
mabilis na utos ng Pinuno.

Parang walang narinig ay mabilis na kinalagan ng mga alagad niya si Maya, at pati na rin si Jacob.
Hinihintay kong kami na ni Tony ang susunod nilang kakalagan ngunit hindi nila kami kinalasan.

"Kung ang babaeng ito ay ang Witch, ibig sabihin, ang lalaking ito ay ang itinakda"
sambit ng Pinuno at ang tinutukoy niya'y si Jacob.

Nagkatinginan kami ni Tony.
Mukhang ito na ang paglilinlang na tinutukoy sa Propesiya.

Nagulat nalang kami sa sumunod na utos ng Pinuno na nauukol sa amin ni Tony.

"Pugutan ng ulo ang dalawang impostor na ito"

Nanlaki ang mga mata namin ni Tony, pati narin sina Jacob at Maya ay nagulat din.

"Teka! Teka! Nagkakamali po kayo, hindi po ako ang itinakda."
sabat agad ni Jacob.

"Ang babae pong ito ang tunay na itinakda na nasasaad sa Propesiya."
patuloy niya sabay lapit sa akin.

"Maliwanag nating narinig ang Propesiya na ang itinakda ay ginabayan ng Witch. Ikaw ang kasama ng Witch kung kaya't malinaw na ikaw ang itinakda."
nagsimula ng malito ang Pinuno.

"Ang dalawang ito ay malinaw na impostor, at ang nararapat sa kanila ay kamatayan"
patuloy pa niya.

Kung ano-anong esplikasyon ang ginawa ni Jacob at maging ni Maya ngunit tila buo na ang desisyon ng Pinuno.

Si Tony naman ay tahimik lang at parang nag-iisip ng malalim.

"Tony, natatakot ako."
pag-daing ko sa kanya.

"Huwag kang mag-alala Maita, maraming beses ka ng nakaranas sa bingit ng kamatayan pero hanggang ngayon buhay ka parin. Alam kong ang gumagabay sa iyo na Witch ay ang Witchcrafter mismo at hindi si Maya, kaya huwag kang mag-alala."
mukhang nakuha niya ang tunay na ibig sabihin ng talinhaga.

Mga ilang saglit pa ay may isang matangkad at malaking lalaki na dumating na may dalang mahaba at malaking talim na palakol at may pasan na malaking piraso ng putol na punong-kahoy, parang malaking sangkalan.

Natakot ako sa hitsura niya, lalo na sa suot niyang maskarang kulay itim na bungo ng hindi ko matukoy na hayop.

"Nandito na po ang Berdugo!"
sigaw ng isang alagad.

Sabi na nga ba't isa siyang Berdugo na taga-pugot ng ulo, isang berdugong tagabitay.

Pinatabi nila ang lahat ng mga Malay na nakapaligid sa amin, maging kami ay kanilang pinaatras hanggang malinis nila ang pinaka-sentro na nasa harapan mismo ng Pinuno.

Inilapag ng Berdugo ang pasan niyang malaking sangkalan sa gitna kasabay ng pagkapit sa magkabilang braso ko ng dalawang alagad na katabi ko.

"Teka! Ano'ng gagawin niyo?"
maiyak-iyak kong tanong habang pilit na nagpupumiglas at tumatanggi, ngunit hindi ako makapalag dahil sa mahigpit na pagkakagapos ko.

"Teka! Nagkakamali kayo. Huwag niyong gawin yan."
sabat ni Tony na humarang sa dadaanan namin.

Dadalhin nila ako sa gitna para pugutan ng ulo. Kumakabog ang dibdib ko, kabadong-kabado ako, hindi ko alam ang gagawin ko. Maging si Tony ay walang magawa dahil kinabig siya at hinawakan ng dalawang Malay.
Pilit niyang kinakalas ang baging na nakatali sa likuran niya, ngunit sadyang mahigpit ang pagkakatali.

"Ihinto niyo yan. Siya ang tunay na itinakda!"

Nagsimula na ring mataranta sina Jacob at Maya, ngunit maging sila na inaakala nilang nasa Propesiya ay walang magawa.

"'wag! 'wag!! 'waaaggg!!!"
wala silang tigil sa kakasigaw.

Nang makarating kami sa gitna ay pinaluhod nila ako sa tabi ng Sangkalan at inilapat nila ang ulo ko dito, ang leeg ko.
Nanlalabo na ang paningin ko sa dami ng luhang inilalabas ko.

"Huh-huhu Tony! Tony!"
walang tigil ang pag-iyak ko, tinatawag ko ang pangalan ng pinakamamahal ko sa huling pagkakataon na ito.

Tinalian nila ng baging ang leeg ko at itinali nila ang kabilang dulo nito sa isang hook na nasa sangkalan.
Sinigurado nilang hindi ako makakagalaw, ni makapalag.

Lumapat at dumikit ng husto ang pisngi ko sa sangkalan nang hilahin na nila ang mala-lubid na baging.
Nasasakal ako sa sobrang higpit nito.

Nakaharap ako kay Tony, wala siyang tigil sa kakapalag kahit pa nakatutok sa kanya ang mga sibat.

"'wag! 'waaagggg!!"

Malakas ang sigaw niya, para na siyang nababaliw na hindi malaman kung ano ang gagawin.

Sa puntong ito, wala na akong magawa kundi ang hintayin na pugutan ako ng ulo, ngunit sa punto ring ito, sa malagim na oras na ito ay nakita kong lumuha para sa akin si Tony, naramdaman ko ang kanyang pag-iyak, tunay na para sa akin.

Isang tunay na lalaking umiiyak sa harapan ng isang babae, dahil ito ang tunay niyang nararamdaman.

Pumwesto na ang Berdugo at humarang sa paningin ko kay Tony, habang ang mga lalaking Malay sa likod ko ay lalong humigpit sa pagkakahawak sa akin.

Kung sakaling hindi na ako makaligtas pa dito, at kung sakaling dito na talaga magwakas ang buhay ko, masasabi kong masaya parin ako kahit papa'no dahil sa nakita ko kay Tony.
Wala akong ibang iniisip ngayon kundi siya at ang pag-ibig ko para sa kanya.

Itinaas na ng Berdugo ang palakol niya, handang-handa na niya akong hatawin at pugutan ng ulo.

Paalam, mahal ko...

To be continued...

5 comments:

  1. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete
    Replies
    1. This comment has been removed by a blog administrator.

      Delete
  2. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete
  3. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete
  4. Ay, nakakabitin naman. Saan na ang karugtong?

    ReplyDelete

Note: Only a member of this blog may post a comment.